Ebanghelyo: Lucas 10:21-24
Nag-umapaw sa galak sa Espirito Santo si Hesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud- lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbagunyagan ng Anak” Pagkatapos ay bumaling si Hesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang iyong nakikita ngunit hindi nila nakita, at marinig ang inyong narinig ngunit hind nila narinig”
Pagninilay:
Nagalak si Jesus sa Espiritu Santo sa Mabuting Balita ngayon. Sinabi Niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, ngunit inihayag mo sa mga bata at sa mga maliit.” Isang patunay ng kagalakan — natutuwa sa mga pusong simple, mapagpakumbaba, at bukas sa pagmamahal ang Panginoon.
Sa mundo ngayong madalas sinusukat ang halaga ng tao sa talino, posisyon, o kayamanan, narito ang paalala sa atin: hindi galing sa diploma o posisyon ang tunay na karunungan. Para kay Jesus, nanggagaling ito sa pusong marunong magtiwala sa ating Ama sa langit. Sino ang tinutukoy Niya? Silang mga “maliliit” na marunong umaming kailangan nila ang Diyos — silang marunong magdasal, marunong makinig, at marunong magpasalamat.
Bata pa lang si Jan-Jan lagi na siyang maagang pumunta sa simbahan upang magsimba tuwing Lingo. Hindi lang yan, lagi rin siyang nakaupo sa may harapan. Minsan, tinanong siya ng kanilang kura paroko, “Jan-Jan, bakit lagi kang maagang pumunta sa simbahan?” Ngumiti si Jan-Jan at nagsabi, “Kasi po, Father, baka gusto ni Jesus ng kausap bago po dumating ang iba.” Simple lang ang sagot, pero napakalalim. Sa kanyang inosenteng pananampalataya, naroroon ang tunay na karunungan — ang pusong marunong magmahal at makipagkaibigan sa Diyos.
Sinabi rin ni Jesus, “Mapalad ang mga nakakita sa mga nakikita ninyo.” Opo, mapalad tayo, dahil araw-araw, ipinapakita sa atin ng Panginoon ang Kanyang pag-ibig—sa iba’t ibang paraan: sa ating pamilya, sa kabutihan ng ibang tao, sa ating panalangin, sa Mabuting Balita. Ang tanong: nakikita o nararamdaman ba natin ito, o abala tayo sa mga bagay na panlabas lamang? May panahon ba tayo para makinig at pagnilayan ang mga pagpapala ng Pangoon sa buhay natin araw-araw?
Mga kapanalig, sa paghahanda natin sa pagdating ng Panginoong Jesus, huwag nawa tayong matakot maging “maliit” sa Kanyang harapan. Sa mga pusong mapagpakumbaba, naroroon ang Panginoon. Ang karunungan ng langit ay para sa mga marunong umibig, sumampalataya, at magpasalamat. Tunay na mapalad ang mga pusong marunong magtiwala tulad ng mga bata, sapagkat nasa sa kanila ang tunay na kadakilaan ng Diyos. Mapagpalang paghahanda sa pagdating ng Panginoong Jesus!
Sr. Dee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul