Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 20, 2025 – Sabado, Ika-3 Linggo ng Adbiyento | Santo Dominggo de Silos

Ebanghelyo: Lucas 1:26-38

          Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen.

          Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.”

          Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.

          At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Hesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.”

          Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.”

          Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel

Pagninilay:

Ang gulat lang ni Maria sa bati ng anghel: “Magalak ka, puspos ng biyaya, ang Panginoon ay sumasaiyo!” Hindi pa siya natatauhan ay sumunod pa ang shocking na balita: maglilihi at manganganak siya ng isang lalaki. Paano ito mangyayari? “Sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, sapagkat walang imposible sa Diyos”, paliwanag ng anghel. Siguro naisip ni Maria: siya, isang dalagang hindi pa kasal, magbubuntis.

Paano niya ito ipapaliwanag kay Jose at sa kanyang mga kamag-anak? Malaking kasalanan at kahihiyan ito para sa mga Hudyo. Paparusahan siya, babatuhin hanggang mamatay. Meron siyang dalawang choices: tanggihan ang utos ng Diyos para hindi magulo ang buhay niya, o tanggapin ito, kasama ang lahat ng hirap, kahihiyan at panganib sa kanyang buhay. Naniwala si Maria na tutulungan siya ng Diyos. Hindi niya alam kung paano. Ngunit nanalig siya at buong-pusong tinanggap ang kanyang misyon. Kapanalig, ikaw, meron bang isang bagay na pinagagawa ang Diyos sa iyo na hindi mo pa nagawa dahil mahirap? Kasi mapeperhwisyo ka, mabawasan ang iyong ari-arian, hindi ka siskat? Ituon mo ang iyong mata kay Maria. Naniwala siya, nanalig sa Diyos. At sa kanyang oo, dumating si Jesus, ang kaligtasan ng mundo. Ang bawat isa sa atin ay may misyon na kung tatanggapin at gagampanan natin ay magdadala ng kaligtasan sa iba.

Panginoong Jesus, turuan mo akong manalig tulad ng iyong dakilang Inang Maria. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul