Ebanghelyo: Mateo 1: 18-24
Ito ang mga pangyayaring napaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na ni Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdalantao na siya dala ng Espiritu Santo.
Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.
Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi nga Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y ‘Nasa-atin-ang-Diyos.’
Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Angel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.
Pagninilay:
Kung ikaw ay engaged na at nalaman mong buntis ang iyong mapapangasawa, itutuloy mo pa rin ba ang kasal? Marami tayong maaaring maging sagot. Iniisip ko ang nararamdaman ni San Jose noong nangyari ito sa kanya. Wala ngang naitalang salita niya—salaysay lamang ang nagsabing gusto niyang hiwalayan si Maria—dahil ayaw niyang mapahiya ito. Nanatili si San Jose—iyan ang ending. Totoo naman, hindi natin alam ang maaaring mangyaring problema at unos sa ating buhay. Madalas nga hinaharap natin ito nang puno ng takot at pangamba. Tinuturuan tayo ni San Jose na harapin ang buhay nang may tapang—hindi galing sa ating kayabangan at kumpiyansa, kundi galing sa pananahimik at pasensyang naka-ugat sa pag-aalay ng sarili sa mapagkalingang pamamatnubay ng Diyos.
Tinagurian si San Jose bilang isang taong matuwid, just man (zaddik). Hindi dahil lamang sa desisyon niyang huwag ipahiya si Maria—kundi dahil sa kanyang buong buhay at pagkataong naka-ugat sa utos at Salita ng Diyos. Hindi nagpadaig si San Jose sa kanyang kabiguan at pagkadismaya.
Matuto tayo kay San Jose: Sa tuwing nadidismaya ba tayo sa buhay o nabibigo—maingay ba tayo o marunong tayong manahimik? Mareklamo ba tayo o tahimik lang dahil lubos tayong nagtitiwala sa Diyos? Kung sisikapin natin ito mapagtatanto natin na ang ating Diyos na pinananabikan—si Hesus—ay tunay na hindi naiiba sa atin, hindi malayo, hindi siya isang konsepto, siya’y totoong Emmanuel—kapiling natin araw-araw.
- Fr. Vinz Arellano, ssp l Society of St. Paul