Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 22, 2025 – Lunes, Ika-3 Linggo ng Adbiyento | Santa Francisca Javier Cabrini

Ebanghelyo: Lucas 1:46-56

Sinabi ni Maria:

Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon

at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking tagapagligtas

dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya,

       at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.

Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan,

        banal ang kanyang Pangalan.

Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi.

        para sa mga pitagan sa kanya.

Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig,

        Ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.

Pinatalsik niya sa luklukan ang mga may makapangyarihan,

        itinampok naman ang mga balewala.

Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,

       at itinaboy ng walang-wala ang mga mayayaman.

 Nilingap niya nag Israel ng kanyang lingkod,

        Inialaala ang kanyang awa

Ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno,

         Kay Abraham at kanyang angkang magpakilanman.”

Mga tatlong buwan nanatili si Maria kasama si Eelizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

Pagninilay:

Tayong lahat, mga mukha ni Maria. Mga maralita na iniaangat ng Diyos. Siguro sariwa pa sa ating lahat ang malaking baha sa Central at Eastern Visayas noong nakaraang buwan dahil sa bagyong si Tino. Nag-iwan ng wasak na kalooban, sira-sirang tahanan, lumutang na sasakyan,  nalunod na hanapbuhay, at nawalan ng mahal sa buhay. Narinig natin ngayon ang awit ng pag-asa. Ang Magnificat ni Maria. Sa kanyang kababaang-loob, hinirang si Maria na maging ina ng Tagapagligtas. Umawit siya na isinasalaysay ang kabutihan ng Diyos hindi lang sa kanya kundi sa lahat ng mga aba, mga gutom, mga itinakwil ng lipunan, mga naging kalunos-lunos ang buhay. Hinehele ni Maria sa  Magnificat ang mga nasalanta na hanggang ngayon dala pa ang pighati mula sa bagyo at sa paulit-ulit na lindol. Tulad ng sinabi ni Maria, “He has lifted up the lowly.” Sa bawat hakbang ng pagbangon, sa bawat pagkakapit-bisig ng komunidad, sa tulong ng  National at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, naroon ang Panginoon. Sa mga nasalanta sa bawat sulok ng Pilipinas, sa bawat durog na puso, hindi tulog ang Diyos. Kaya hindi hadlang ang kalamidad sa pagdiriwang ng pagdating ng Emmanuel. Sumasaatin ang Diyos. Paanyaya rin ito na maging Maria sa ating panahon: magpuri sa Diyos, maglingkod sa kapwa, at manalig, na sa kabila ng lahat, hindi tayo nag-iisa.

  • Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul