Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 23, 2025 – Martes, Ika-4 Linggo ng Adbiyento | San Juan ng Kety, pari

Ebanghelyo: Lucas 1:57-66

Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anakan na nagdadalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya.

         Nang ikawalong araw na, dumating sila upang tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya nga kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyan Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng masusulatan, at sa pagtataka ng lahat ng kanyang isinusulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos.

          Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa boung mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga naririnig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito? “dahil sumasakanya talaga ang kamay ng Panginoon.

Pagninilay:

May grasya nga ba sa paghihintay?

Kung minsan, pakiramdam natin, wala. Nakakapagod maghintay—lalo na kung matagal mo nang ipinagdarasal pero tila walang nangyayari. Napapaisip tayo: “Naririnig pa kaya ako ng Diyos?” o “Nakalimutan na ba Niya ako?”

Pero sa totoo lang, ang paghihintay ay isa sa pinakamasaganang lugar kung saan kumikilos ang grasya ng Diyos.Habang tahimik tayong nag-aantay, hinuhubog ng Diyos ang ating puso—tinuturuan tayong magtiwala, magpakumbaba, at magpasalamat kahit wala pa tayong nakikita.

Gaya nina Zacarias at Elisabet sa Ebanghelyo ngayon, matagal silang naghintay. Sa katandaan nila, tila imposibleng magkaroon pa ng anak. Pero nang dumating ang panahon ng Diyos, ipinanganak si Juan Bautista—isang paalala na hindi kailanman huli ang mga pangako ng Diyos.

Ang grasya ng paghihintay ay ito: natututo tayong manampalataya sa oras ng Diyos, hindi sa oras natin. Kapag natutunan nating maghintay nang may pag-asa, hindi lang biyaya ang makakamtan natin sa dulo—kundi isang pusong handa, mapagpasalamat, at mas malalim ang tiwala sa Kanya.

Panginoon, salamat sa grasya ng paghihintay. Tulungan Mo kaming huwag mainip o mawalan ng pag-asa, kundi makita na sa bawat sandaling tila walang nangyayari, may ginagawa Kang kamangha-manghang bagay sa aming puso. Amen.

  • Fr. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul