Ebanghelyo: Lucas 2:1-14
Nang mga araw na iyon, nagpalabas ng kautusan si Emperor Augusto na magpalista ang buong imperyo. Naganap ang unang sensong ito ngang si Quirino ang gobernador sa Siria. Kaya kailangang maglakbay ang bawat isa para sa kanya- kanyang bayan magpalista. Umahon din si Jose mula sa bayan ng Nazaret sa Galilea. Mula siya sa angkan at lahi ni David kaya pumunta siya sa Judea upang sa bayan ni David na tinawag na betlehem magpalista, kasama si Maria na ipinagkasundo na sa kanya na nagdadalantao noon.
Habang naroon sila, dumating ang sandali ng panganganak ni Maria. At nagsilang siya ng isang lalaki na kanyang panganay. Binalot ito ng lampin at inihiga sa sabsaban- dahil walang lugar para sa kanila sa bahay. Sa lupain ding iyo’y may mga pastol na nasa silungan na halinhinan sa pagbabantay sa kanilang kawan sa gabi. Biglang dumating sa kanila nag isang anghel na Panginoon at nagningning sa paligid nila ang luwalhati ng Panginoon; gayon na lamang ang takot nila. Ngunit sinabi sa kanila ng angel: “Huwag kayong matakot, ipinahahayag ko nga sa inyo ang magandang balita na mag dudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng bansa. Ngayo’y isinilang sa inyo sa bayan ni David ang Tagapagligtas na si Kristong Panginoon. At ito ang magiging palatandaan ninyo: makikita n’yo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban.” Biglang-bigla namang lumitaw kasama ng angael ang isang makapal na hukbo ng Langit, na nagpupuri sa Diyos at sinabi: “ Papuri sa Diyos sa kaitaasan at sa lupa’y kapayapaan sa mga tao na kanyang mahal.”
Pagninilay:
“Kinalulugdan”—sa ibang salita, ibig sabihin nito ay pinapaboran, ikinatutuwa, o minamahal. At sabi sa ating Ebanghelyo ngayon, nang ipinanganak si Hesus, nagsisigaw na umaawit ang mga anghel sa kalangitan, ““Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”
Tayo ang mga taong kinalulugdan ng Diyos—pinaboran ng Diyos, minamahal ng Diyos. At kinalulugdan tayo ng Diyos dahil kinalulugdan o minamahal niya ang kanyang nag-iisang Anak na si Hesus, na ngayon ay nasa ating piling.
Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, mananatili tayong kinalulugdan, pinapaboran, o minamahal ng Diyos kung mananatili tayong nakaugnay sa kanyang kinalulugdan—si Hesus. Ibinigay ng Diyos Ama sa atin si Hesus nang sa gayun ay hindi na tayo mawalay pa sa Diyos. Tanggapin natin si Hesus at manatili tayong nakaugnay sa Kanya.
Manalangin tayo. Maraming salamat, O Diyos Ama, sa pagbibigay mo sa amin kay Hesus. Kalugdan mo kaming lagi, habang kami’y mananatiling sumasampalataya sa iyong nag-iisang Anak. Amen.
- Fr. Oliver Par, ssp l Society of St. Paul