Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 27, 2025 – Sabado, Apostol San Juan, manunulat ng Mabuting Balita

Ebanghelyo: Juan 20, 2-8

Patakbong pumunta kay Simon Pedro at sa isang pang alagad na mahal ni Hesus si Maria Magdalena. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan at hindi namin at alam kong saan nila siya inilagay. Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kaysa sa kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niyaý Nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok.  Dumating si Simon Pedro na kasunod niya at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino at ang panyo naman nakatalukbong sa ulunan niya ay hindi nakalatag gaya ng mga telang lino kundi naklulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at Nakita niya at naniwala siya.

Pagninilay:

“Nakita niya ito at siya’y naniwala.”

Makailang beses na sinabi ng Panginoong Jesus sa kanyang mga alagad ang nalalapit niyang paghihirap at kamatayan sa krus at ang kanyang muling pagkabuhay makalipas ang 3tatlong araw. Nabalot silang lahat ng matinding lungkot at uminog lamang ang kanilang isip sa napipintong kamatayan ng Panginoon. Walang nakaalala o nagbigay-pansin sa sinabi niyang mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw.

Kaya nga, nang hindi makita ni Maria Magdalena ang bangkay ng Panginoon sa libingan ay sinabi niya “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon at di namin alam kung saan dinala!” Tanging si Juan lamang, na tinawag ang sariling “ang alagad na mahal ng Diyos” ang naiiba: nang makita niya na ang kayong lino lamang ang naiwan sa libingan, naniwala siya na muling nabuhay si Jesus, kahit hindi niya tahasang nakitang bumangon ang Panginoon. Ito ay isang dakilang biyaya! Hindi nagyayabang si Juan nang tawagin niya ang sariling “ang alagad na mahal ng Diyos”; binigyan niya nang ganitong palayaw ang sarili, dahil marahil ay naramdaman niya ang tunay na pagmamahal ng Diyos, dahilan upang siya ay magbago: mula sa pagiging mainitin ang ulo (tinagurian sila ng kapatid niyang si Santiago na mga anak ng kulog), si Juan ay naging malumanay; Di ba’t siya ay humilig pa sa Panginoon noong huling hapunan? Si Juan ang pinakabatang apostol pero pinakamatapang: siya lamang ang hindi humiwalay sa Panginoon at nanatili sa paanan ng krus kasama ng Mahal na Inang Maria at ni Maria Magdalena. Sa kanya inihabilin ng Panginoong Jesus ang kanyang mahal na ina… ihahabilin mo ba ang iyong mahal sa buhay sa isang taong di mo  pinagkakatiwalaan at minamahal? Pero huwag sana nating isipin na si Juan lang ang mahal ng Diyos. LAHAT TAYO AY MAHAL NIYA! Ipakita natin sa kanya na karapat-dapat tayo sa kanyang pagmamahal.

Manalangin tayo: Panginoon, tulungan mo po kaming mahalin ang aming kapwa tulad  ng pagmamahal namin sa aming sarili, upang kahit papaano ay maibsan ang kasakiman, pagkamakasarili at kabuktutang umiinog sa aming Lipunan. Tumayo sana kaming mga kamay at paa mo, upang maabot at marating ang mga nangangailangan ng kalinga, Amen.

  • APC Lulu