Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 28, 2025 – Linggo, Kapistahan ng Banal na mag-anak nina Hesus, Maria at Jose

Ebanghelyo: Mateo 2, 13-15. 19-23

Pagka alis ng mga Pantas, nagpakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa _Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin. Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyoý dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto. Pagkamatay ni Herodes nagpakita sa panaginip ang Anghel ng Panginoon kay Jose at sinabi: Bumangon ka at dalhin ang bata at ang kanyang Ina at umuwi sa lupain ng Israel. Sapagkat patay na ang mga nagtangkang pumatay sa bata.’’ Kaya bumangon si Jose kinuha ang bata at ang Ina nito at pumunta sa lupain sa Israel. Ngunit ng malaman ni Jose na si Arquelao ang Hari ng Judea na kahalili ng kanyang Amang si Herodes, natakot siyang pumaroon kaya ayon sa ibinilin sa kanya sa panaginip sa Galilea siya nag punta. Nanirahan sila sa bayan na tinatawag na Nazaret. Kaya natupad ang salita ng mga propeta. Tatawaging siyang Nazareo.”

Pagninilay:

Pinagdiriwang po natin ngayon ang kapistahan ng Banal na Pamilya, o Feast of the Holy Family—and take note, “holy family,” hindi “perfect family.” Dumaan ang pamilya ni Hesus sa maraming pagsubok, pero nagtiwala sila, at kumapit sa Grasya ng Diyos kahit hindi nila ito lubusang maintindihan.

Totoo ito para sa atin. Humaharap tayo sa maraming alitan, hindi pagkaka-unawaan, at tukso ng pagkakahiwa-hiwalay. Nakikita natin na ang unang sinisira ng kalaban ay ang pamilya, dahil kapag nagkawatak-watak ang tahanan, sugatan ang mga bata at apektado ang lipunan.

Pero kung tutularan natin ang Banal na Pamilya ni Jose, Maria, at Jesus, makikita natin ang malalim nilang pakikinig sa Diyos at sa isa’t isa. Dahil dito, kahit maraming pagsubok ang kaaway, hindi sila natinag at nagtiwala sila sa mas malaking plano ng Diyos.

Idalangin po natin ngayon ang ating mga pamilya. Hilingin nating lumalim ang pagiging matapat ng mga mag-asawa, at lumakas ang pagmamahal at pagpapatawaran. Tandaan natin, hindi kailangang perpekto ang pamilya. Pero kung ang bawat isa ay may malalim na pananampalataya, magiging banal tayong lahat, kahit saan man tayo mapunta.

  • Fr. Migs Ramirez l National Shrine of the Sacred Heart