Ebanghelyo: Lucas 2, 22-35
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala nina Jose at Maria ang sanggol na si Hesus sa Jerusalem para iharap sa Panginoon–tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati.
Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon… Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Hesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.
Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos at sinabi:” Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kaayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.” Nagtataka ang Ama at ina ng bata sa mga sinasabi tungkol sa kanya. Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang Ina ng Bata dahil sa kanya babagsak o babangon angmga Israelita at magiging tanda siya at sa harap nila, at kanilang sasalungatin kayat mahahayag ang lihim na pag iisip ng mga tao. Ngunit pag lalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.
Pagninilay:
Kapanalig, ano ang pinakamimithi mo sa buhay na kapag nakamtan o nakita mo na, ay maaari mo nang sabihin, “Pwede mo na po akong kunin Panginoon.” Ganito ang pakiramdam ni Simeon sa ating Mabuting Balita ngayon. Kay tagal nyang hinintay na dumating ang Tagapagligtas. At dahil malapit sya sa Diyos at madasalin, ipinagkaloob ito sa kanya.
Madalas din itong mangyari sa mga nasa bingit ng kamatayan. Kahit hirap na sa paghinga, hindi pa pipikit hanggang hindi pa dumarating o nakakausap man lamang ang anak, magulang, asawa, o kamag-anak na nasa malayo. Subalit kapag dumating at nakausap na ay payapa nitong ipipikit ang mga mata at panatag na tatawid sa kabilang buhay.
Kapanalig, suriin nga natin ang ating mga puso. Ano ba ang pinakamimithi nito? Naglalapit ba ito sa atin sa Diyos o nagdadala sa kapahamakan? Hindi lang ang hangaring magkaroon ng mas marangyang buhay dito sa lupa ang ating dapat paghandaan. Higit nating dapat paghandaan ang buhay na walang hanggan.
- Sr. Lourdes Ranara, ssp l Daughters of St. Paul