Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 3, 2025 – Miyerkules | Unang Linggo ng Adbiyento | San Francisco Javier, Pari

Ebanghelyo: Mateo 15:29-37

Pumunta si Hesus sa pampang ng lawa ng Galilea, at pagkaakyat sa burol ay naupo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, dala-dala ang mga pipi, bulag, pilay, mga may kapansanan, at mga taong may iba’t ibang karamdaman. Inilagay sila ng mga tao sa paanan ni Hesus, at pinagaling niya sila. Kaya namangha ang lahat nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan, at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel. Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at ayaw kong paalisin silang gutom at baka mahilo sa daan.” Sinabi ng mga alagad sa kanya: “At saan naman tayo hahanap ng sapat na tinapay sa ilang na ito para ipakain sa mga taong iyan?” Ilan bang tinapay mayroon kayo?” Pito at kaunting maliliit na isda.” Pinaupo ni Hesus sa lupa ang mga tao, kinuha niya ang pitong tinapay at ang maliliit na isda, at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga ito at ibigay niya sa kanyang mga alagad, at ibinigay rin nila sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog at tinipon ang mga natirang pira-piraso—pitong punong bayong.

Pagninilay:

Ano kaya ang tingin ni Hesus sa atin? Maganda sagutin ito mula sa tinuran ni Hans Urs Von Balthasar: “Jesus sees us, both judging and redeeming us.” Kaya nga’t bagamat siya’y hukom natin, siya’y tagapagligtas din natin. Kaya nga’t ang mapagpalang kamay ni Hesus ay mula sa pusong may awa at pagmamahal sa ating lahat.

Nakita po natin yan sa Ebanghelyo kung paano pinagaling ang mga maysakit, paano pinarami ang mga tinapay, nabusog ang lahat—may natira pa!

Naalala ko ang magandang homiliya ni Cardinal Tagle tungkol dito: Kung babaliktarin natin, 5 thousand loaves of bread, at 5 men, kahit may limanglibong tinapay pero dumaan sa kamay na gahaman—magugutom ang limang tao.

Sa maraming pagkakataon, alam nating mapagbigay ang Diyos, ito po ang hamon ng ating panginoong Hesus sa ating lahat—be generous, and what is the key to generosity? Nabasa na rin natin sa ating Ebanghelyo: If like Jesus, we have a heart that is moved with pity for those in need. Amen.