Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 4, 2025 – Huwebes | Unang Linggo ng Adbiyento | San Juan ng Damasco, pari at pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: Mateo 7:21, 24-27

Sinabi ni Hesus sa mga alagad: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ay siyang papasok sa Kaharian ng Langit. Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!”

Pagninilay:

Nasusubukan ang katatagan ng isang gusali o infrastracture pakatapos ng bagyo o anumang kalamidad. Kapag matibay ang pundasyon, hindi ito basta-basta matutumba ng kahit anong unos. Ngunit kung mahina ang pundasyon, madali itong guguho gaya ng mga substandard na proyekto ng ating pamahalaan. Sa ganito inihambing ni Jesus ang ating buhay pananampalataya. Ang taong nakikinig at nagsasabuhay ng turo at aral ni Jesus ay parang ‘yung taong nagtayo ng gusali na may matibay na pundasyon. Anumang unos ang dumating sa kanyang buhay, nanatili syang nakatayo. Hindi dahil sa malakas siya kundi dahil sa lakas at tulong ng Diyos. Ang unos at pagsubok sa ating buhay ang maghahayag ng ating katatagan at lalim ng ating pananampalataya sa Diyos. Ang manatiling tapat ay siyang karapat-dapat pumasok sa kaharian ng Langit.

Naalala ko ang aking pinsan na merong anak na may karamdaman. Tumigil sya sa trabaho upang maging full time caregiver ng anak nya. Parang wala na yatang lunas ang ganoong kalagayan. Ngunit sa halip na magtampo sya sa Diyos ay lalo pa syang kumakapit at humuhugot ng lakas sa pananampalataya. Tuwing mababasa ko ang mga post nya sa social media, magkahalong habag at paghanga ang aking nadarama. Habag para sa isang ina na labis na nahihirapang makita ang paghihirap ng anak. At paghanga dahil buong tatag nyang hinaharap ang mga pagsubok sa kanyang buhay.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul