Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 7, 2025 – Ika-2 linggo ng Adbiyento

Ebanghelyo: Mateo 3, 1-12

Dumating sa disyerto ng Judea si Juan Bautista at nagpahayag, “Magbagong buhay kayo, lumapit na ang paghahari ng Langit.’’ Siya ang tinutukoy ni Propeta Isaias ng sabihin niyang ‘Naririnig ang sigaw sa disyerto, ihanda ang daan para sa Panginoon. Ituwid ang kanyang landas’”. Balahibo ng kamelyo ang suot ni Juan, at may sinturong katad sa baywang at balang at pulot- pukyutang gubat ang kinakain. May mga taga-Jerusalem, taga-Judea at mula sa buong rehiyon ng Jordan na pumunta sa kanya, inaamin nila ang kanilang mga kasalanan at bininyagan sila ni Juan sa ilog Jordan. Nang makita niya na lumalapit sa kanya ang ilang Pareseo at Saduseo para magpa binyag, sinabi niya “Lahi ng mga ulupong! Sino ang nag sabi sa inyong matatakasan ninyo ang darating na paghatol, patunayan ninyo ang inyong pagbabagong buhay, at huwag ipagyabang na si Abraham ang Ama namin. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito makagagawa ng mga anak ang Diyos, para kay Abraham naka amba na ang palakol sa tabi ng ugat ng mga puno, para sibakin ang alinmang punong hindi namumunga ng mabuti at itatapon ito sa apoy, sa tubig ko kayo bininyagan para sa pagbabagong buhay, pero kasunod kong darating ang isang makapangyarihan pa akin. Hindi na ako karapatdapat na magdala sa kanyang sandalyas. Bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo at sa Apoy. Siya ang nakahandang magtahip sa lahat ng butil ng trigo. Iipunin niya ang lahat ng butil sa kanyang kamalig, ngunit susunugin ang mga ipa sa apoy ng walang hanggan.

Pagninilay:

“Handa ka na ba?”

Hindi po ito Rated K, kundi ito ay related A—related sa Adbiyento!

Panahon na naman ng paghahanda, pero hindi lang paghahandang panlabas tulad ng pag-aayos ng bahay, pagbili ng regalo, o paglalagay ng parol. Ang tunay na diwa ng Adbiyento ay paghahandang panloob—ang paghahandang espirituwal para sa pagdating ni Kristo.

Ang Adbiyento ay paanyaya ng Diyos na magbagong-buhay. Ang pagsisisi ay hindi lang pagsasabi ng “sorry,” kundi pagnanais na maging iba—maging mas mabuti, mas mapagpatawad, at mas mapagmahal.

Kaya’t sa bawat kabutihang ginagawa natin—isang katagang sorry, isang dasal mula sa puso, isang pagtulong sa tahimik na paraan—unti-unti nating binubuksan ang pintuan para kay Kristo.

Ngayong Adbiyento, tanungin natin: Handa na ba talaga tayo? Hindi lang sa Pasko, kundi sa araw-araw na pagdating ng Diyos sa ating buhay—sa ating pamilya, sa ating trabaho, sa ating kapwa.

Kaya, Panginoon, Linisin Mo ang aming puso at ituwid ang aming landas, upang sa Iyong pagdating, matagpuan Mo kaming handa—may pusong mapayapa, mapagpakumbaba, at bukas sa Iyong pag-ibig. Amen.

  • Fr. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul