Ebanghelyo: Mateo 18, 12-14
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad.’” Ano sa plagay ninyo kong may isandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito. Hindi ba niya iiwan sa kaburuan ang siyamnaput siyam para hanapin ang naliligaw at sinasabi ko sa inyo, kapag nakita niya ito mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnaput siyam na hindi naligaw. Gayundin naman ayaw ng inyong Amang nasa langit ang mawala isa man sa maliliit na ito
Pagninilay:
Kinausap ka na ba ng Diyos? ‘Yung parang lahat ng naririnig mo ay siya ang nagsa-salita at sa iyo niya sinasabi? Ganyan ang naging karanasan ko pagkatapos mag-join ng Advent Youth Recollection sa aming parokya. Narinig ko sa sharing ng kapwa ko kabataan ang mga problema, challenges, paghihirap nila: droga, hiwalay ang magu-lang, alitan sa pamilya, karahasan, kahirapan at kawalan ng seguridad, pati na ang kanilang mga pangarap at adhikain sa buhay. Natapos ang recollection na nagtatanong ako: “Ano ba ang magagawa ko?” Nagnobena ako sa Ina ng Laging Saklolo at nag-simba. Ang mga pagbasa noon ay tulad ng sa ngayon: Mula kay propeta Isaias 40:1-11: “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos. “Magpahayag ka!” “Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko. Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo, ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang. Natutuyo ang damo, kumu-kupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailan man.” At ang Ebanghelyo “Hindi kalooban ng inyong Amang nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.” Alam n’yo kapanalig hindi ko alam kung saan galing ‘yung luha ko – walang patid mula sa unang pagbasa hanggang sa matapos ang misa. Sinagot ng Diyos ang tanong ko, at sinabi niya kung ano ang magagawa ko.
Graduating student ako ng chemical engineering sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila noon. Pangarap kong maiahon sa kahirapan ang pamilya, at matulungang makapag-aral ang mga kapatid ko. Iniwan ko sila at ang aking pangarap. Sabi ko kay Jesus: “Susunod ako sa iyo, pero pakiusap, huwag mong pabayaan ang pamilya ko.” Mabuti ang Diyos – tinupad niya ang aking pangarap. Nakapagtapos ang mga kapatid ko at naging maayos ang buhay nila. Mahigit 40 taon na ang lumipas, at patuloy akong nagpapahayag ng Mabuting Balita nang may galak.
Ikaw, kapanalig, ano ang sinasabi niya sa iyo? Inaanyayahan ka ba niyang hanapin ang tupang ligaw nang maibalik sa kanya? Ano ang magiging tugon mo?
- Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul