Ebanghelyo: Lk 2:16-21
Nagmamadaling pumunta ang mga pastol sa Bethlehem at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila. Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila. Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon siya pinangalanang Jesus, ang itinawag sa kanya ng anghel bago pa siya ipinaglihi.
Pagninilay:
Salubungin natin ang Bagong Taong 2025 nang may galak at puno ng pag-asa, kasama ng ating Mahal ng Birheng Maria, Ina ng Diyos! Ngayon din po ay ipinagdiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan o World Day of Peace. Tunay pong kailangan nating manalangin at magtulung-tulungan para sa kapayapaan sa ating mundo. Napakaraming sigalot, giyera, tunggalian na bumabagabag sa ating mga pamilya, sa ating komunidad, sa pulitika at mga organisasyon, at naglalabang mga bansa. Ano ba ang pinagmumulan ng lahat ng mga away na ito? Hubris o kapalaluan, o kayabangan, ang pag-iintindi sa sariling kapakanan lamang.
Binibigyan tayo ng isang natatanging modelo sa ating Inang si Maria, ang mapagkumbabang Birhen ng Nazaret, “who kept all these things and pondered them in her heart.” “Pinahalagahan ni Maria ang lahat sa kanyang kalooban at pinagbulay-bulayan ang mga ito.” Hindi lang ang sinabi ng mga pastol, kundi ang lahat ng nangyari sa buhay niya. Marami siyang pinagdaanang paghihirap, sakripisyo at pagtitiis. Hindi rin niya naintindihan lahat ng mga pangyayari sa buhay niya at sa buhay ni Jesus. Ngunit pinagnilayan niya ang mga ito, nanalangin siya at sinikap tingnan ang mga pangyayari upang maunawaan kung ano ang plano ng Diyos.
Kapanalig, tulad ni Mariang Ina ng Diyos at Ina natin, pahalagahan nawa natin sa ating kalooban ang lahat ng mga mangyayari sa Bagong Taong ito. At sa pamamagitan ng panalangin, nawa’y payapa nating matugunan nang naayon sa Panginoon ang lahat ng mga hamong darating nang may tiwala at pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Kasama ni Papa Francisco, manalangin tayo: Panginoon, patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, at ipagkaloob mo sa amin ang iyong kapayapaan. Amen.