Ebanghelyo: Juan 3:22-30
Pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at doon siya tumigil kasama nila, at nagbibinyag. Nagbibinyag din naman si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat malalim ang tubig doon, at may mga nagdaratingan at nagpapabinyag. Hindi pa nabibilanggo noon si Juan. At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan sa isang Judio tungkol sa paghuhugas. Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa kanya: “Rabbi, ang kasamasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatotohanan mo, nagbibinyag siya ngayon at sa kanya pumupunta ang lahat.” “Walang maaabot ang tao, maliban sa ibinigay sa kanya ng Langit. Kayo mismo ang mga saksi ko na sinabi kong: ‘Hindi ako ang Kristo; sinugo ako una sa kanya.’ Para sa nobyo ang nobya. Naroon ang abay ng nobyo para makinig sa kanya at ikinagagalak niya ang makinig sa nobyo. Ganito rin lubos ang aking kagalakan. Dapat siyang humigit at ako nama’y lumiit.”
Pagninilay:
Tahasang sinabi ni Juan Bautista na hindi siya ang Kristo, kundi tulad siya ng isang kaibigan o bestman – ang pangunahing abay – ng nobyo sa kasalan. Ang bestman sa Jewish custom ang nag-aayos at namamahala sa pagdiriwang ng kasal. Masaya ang bestman kapag natapos na ang kasal at umuwi na ang mag-asawa sa kanilang tahanan. Ganundin, kuntento na si Juan na mawala sa eksena ngayong natupad na ang kanyang tungkulin na ipakilala ang Panginoon.
Pinuntahan kasi siya ng kanyang mga alagad na nagsabing nagbibinyag din si Jesus sa kabilang ibayo at “sa kanya na pumupunta ang lahat.” Nagselos ba si Juan o na-insecure? Naku, hindi po! Napakalalim ng naging sagot niya: “Walang maaabot ang tao, maliban sa ibinigay sa kanya ng Langit… Dapat siyang maitaas at ako nama’y maibaba.”
Napakaganda po ng pagninilay ni San Agustin sa Mabuting Balita ngayon. Sabi niya: “Ako ang tagapakinig; Siya ang tagapagsalita. Ako ang dapat na maliwanagan, siya ang Liwanag. Ako ang tainga, siya ang Salita.”
Manalangin tayo: Panginoon, tularan nawa namin ni Juan Bautista sa pagtupad ng aming ang misyon sa mundo nang may kababaang-loob upang magpuri sa Iyo. Amen.