Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 11, 2026 – Linggo, Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (A)

Ebanghelyo: Mateo 3, 13-17

Dumating si Hesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa Ilog Jordan para magpabinyag.  Pero tumanggi si Juan at sinabi: “Ako ang dapat na magpabinyag sa iyo. Bakit ikaw ang lumapit sa akin?”Ngunit sumagot sa kanya si Hesus: “Hayaan mo.  Ganito natin tutuparin ang makatarungang plano ng Diyos. “Kaya sumang-aayon si Juan.  Matapos mabinyagan, umahon si Hesus mula sa tubig.  At agad na nabuksan ang Langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang kalapati at pababa sa kanya.  Narinig kasabay nito ang boses mula sa Langit na nagsabi: “Ito ang aking anak, ang Minamahal, siya ang aking Hinirang.”

Pagninilay:

Isinulat ni Fr. Keiv Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay. Ngayon ang huling araw ng kapaskuhan. Bukas magsisimula ang Ordinaryong Panahon sa ating liturhiya. At sa kapistahang ito magsisimula ang public ministry ni Hesus mula sa kanyang pribadong buhay.

Sa ating Ebanghelyo, nakita natin ang isang Hesus na lumaki na at handa na para sa misyong ibinigay sa kanya ng Ama. At inuumpisahan ito ni Hesus sa pagpapabinyag kay Juan Bautista. Baptism, ang salitang ito ay nagmula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay paglublob, pang huhugas, to immerse. At ang tubig para sa mga Hudyo ay sumisimbolo sa kamatayan. Kaya ang pagbibinyag ay simbolo ng pagkamatay sa sarili, sa pagka makasalanan upang maisilang muli bilang bagong nilalang sa bagong buhay.

Subalit bakit nagpabinyag si Hesus gayung wala siyang kasalanan? Sinasabi pa ni Juan na mas dakila pa ang siyang darating kaysa kanya. Dahil ipinapakita ni Hesus na siya’y tunay na Emmanuel. Kasama natin siya hindi lang sa kasiyahan at kaganapan ng buhay, subalit ganun din sa pagkamatay. Sinasamahan tayo ni Hesus sa madidilim at mahihirap na tagpo ng ating buhay. Hindi niya tayo iniiwan. Inilublub, inimmersed, ni Hesus ang kanyang sarili sa ating kalagayan. Ganun din, minaloob ni Hesus na makasama ang mga makasalanan sa ilalim ng tubig ng binyag upang makasama tayo sa muling pagkabuhay.

mga kapanalig, noong tayo’y binyagan, nakiisa tayo sa kamatayan ni Hesus, at siyang ipinapangako at naiisin niya na makasama tayo sa muling pagkabuhay. Binigyan tayo ng bagong pagkatao at bagong buhay. Mula sa pagiging makasalanan at malayo sa Diyos, katulad ni Hesus tayo ay tinatawag ng Diyos bilang kanyang mga anak. Children of God, ito ang ating bagong pagkatao. Nawa ay mamuhay tayo ayon sa pagkakakilanlan sa atin bilang tunay na anak ng Diyos.

  • Fr. Keiv Dimatatac, ssp | Society of St. Paul