Ebanghelyo: Marcos 1, 14-20
Pagkadakip kay Juan, pumunta si Hesus sa Galilea. Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing “Sumapit na ang panahon; magbagong buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Sa pagdaan ni Hesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon kasama si Andres na kapatid niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa. Sinabi sa kanila ni Hesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy pa siya ng kaunti, nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Hesus. Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo at umalis na kasunod niya.
Pagninilay:
Mula sa panulat ni Sr. Anne Loraine Santos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Mga kapanalig, sa Mabuting Balita ngayon, malinaw na isinaad ni Hesus na sa papalapit ng takdang panahon at kaharian ng Diyos, inemphasize niya na ang pagsisisi, pagtalikod sa kasalanan at paniniwala sa Mabuting Balita ang marapat na gawing paghahanda.
Ikaw, kapanalig, paano ka naghahanda sa isang okasyon para sa pinaka-mahalagang tao sa buhay mo? Nandyan ang walang patid na paglilinis ng buong bahay, paghahanda ng masarap na pagkain. Minsa’y ipinangungutang pa nga ang panghanda para lamang maibigay natin ang nararapat na selebrasyon para sa kanila.
Paano na lang kaya kung ang Diyos na ang paparating? Paanong paghahanda ang gagawin natin? Bukod sa panlabas na paghahanda, mas pagtuunan natin ng pansin ang paghahanda ng ating mga puso. Ngayong Bagong Taon, challenge yourself to plan concrete steps kung paano mo maisasabuhay ang Mabuting Balita.
kapanalig, everything has been provided for us to be good Christians. Nariyan ang Salita ng Diyos, katesismo, mga sakramento, talambuhay ng mga santo, iba’t ibang gabay at tulong mula sa Simbahan. At higit sa lahat, nasa atin ang Espiritu Santo upang gabayan tayo para talikuran ang kasalanan at mapalalim ang pag-unawa natin sa Mabuting Balita. Ayon kay San Pedro, “Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan.*”
kapanalig, magalak ka at magdiwang, ang Diyos, kailanma’y di ka pababayaan.
- Sr. Anne Loraine Santos, fsp | Daughters of St. Paul