Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 13, 2025 – Lunes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon | Paggunita kay San Hilario, obispo at pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: Mark 1:14-20

Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea.  Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing  “Sumapit na ang panahon; magbagong buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon kasama si Andres na kapatid niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa.  Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”  Agad nilang iniwan ang kanilang lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy pa siya ng kaunti, nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang lambat.  Tinawag sila ni Jesus.  Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo at umalis na kasunod niya.  

Pagninilay:

“GOD SEES ME”! Nakapaskel ang mga salitang ito sa maraming sulok ng kumbento noong pumasok ako, maraming taon na ang nakakaraan. Nagustuhan ko ito. Naisip ko: “Ang ganda! Nakikita ako ng Diyos”! Pero hindi lang, “Nakikita ako ng Diyos, kundi tinitingnan ako ng Diyos nang may kasiyahan.”

Sa pang-araw-araw na buhay, marami tayong nakikita, ngunit hindi naman natin talaga ito tinitingnan. Hindi natin binibigyan ng atensyon sa mga bagay na nakikita natin. Pero kapag tiningnan natin ang isang bagay o isang tao, itinutuon natin ang ating atensyon dito. Hindi lang tayo nakikita ng Diyos, kundi tinitingnan niya tayo araw at gabi. Hindi bilang isang superbisor, para bantayan tayo upang gawin natin ang mga bagay nang maayos. Pinagmamasdan niya tayo tulad sa isang mapagmahal na magulang na nagmamalasakit sa ating kaligayahan. Sabi ng Salmo 33:15: “Ang mga mata ng Panginoon ay nakatingin sa mga matuwid at pinakikinggan ng kanyang mga tainga ang kanilang mga daing”. Buong pagmamahal niya tayong pinagmamasdan  dahil mga anak niya tayo. Ipinadala Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang iligtas tayo.

Eh paano kung tayo ay pasaway at nabubuhay sa kasalanan? Pagmamasdan pa rin ba Niya tayo nang buong pagmamahal? Tatanggihan ba Niya tayo? Parurusahan ba niya tayo ng mga kasawian? Kapanalig, hindi mapaghiganti ang Diyos. Tinitingnan niya tayo nang may habag kapag nanghihina tayong labanan ang masama. Patuloy Niya tayong tinatawag pabalik sa kanya. Pinatatawad kapag tayo ay nagsisisi. Sapagkat, sabi Niya: ““Ang aking kaisipa’y hindi ninyo kaisipan, at ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.”

Tiningnan ni Jesus sina Pedro, Andres, Santiago at Juan, at nakita niya ang kanilang pagkabukas-loob sa Diyos. Kaya tinawag niya sila upang sumunod sa kanya. Nakikita rin ng Diyos ang kagandahan ng ating puso: ang ating pagnanais na maging mabuti at gumawa ng mabuti. Dahil siya ang nagtanim nito sa ating puso, at itinalaga niya tayo para sa isang misyon. Kapanalig, nararamdaman mo ba ang kabutihang nais gawin ng Diyos sa iyong buhay? Makinig ka sa iyong puso. Sundan mo ang liwanag.

Manalangin tayo: “Mapagmahal na Ama, tulungan Mo akong isakatuparan ang misyon na gusto Mong gawin sa buhay ko. Pagmasdan mo akong lagi upang masalamin ko ang Iyong pagmamahal at kabutihan sa aking kapwa. Amen.