Ebanghelyo: Marcos 1, 21-28
At pumunta sila sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Hesus na taga Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: Ang Banal ng Diyos.” “Tumahimik ka’t lumayas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.
Pagninilay:
May mga sigaw, dahil sa natural nilang tinig, na malakas at nakakapukaw ng atensyon. Kabilang dyan ang sigaw ng isang taong may tinatawag, o ng isang guro habang nagtuturo. O di kaya ang sigaw sa isang malaking lugar kung walang sound system, o ang nakaririnding ingay ng magkakaibigang nagkukwentuhan, o di kaya kapag nagbubulyawan na. Masakit na ang mga ito sa ating pandinig.
Pero may sigaw na higit na malakas kaysa sa mga nabanggit natin. Ito ‘yung sigaw na galing sa puso. Narinig natin sa pagbasa ngayon ang matinding panalangin at sigaw ni Ana para sa kanyang supling, at ang sigaw ng inaalihan ng masamang espiritu sa Mabuting Balita. Parehong mga sigaw ngunit tagos sa damdamin. Mga sigaw ng matinding pangangailangan. Mga sigaw ng puso patungo sa Diyos.
Tulad ni Ana at ng taong napalaya mula sa masamang espiritu, may mga sigaw rin tayong hindi naman malakas mula sa ating bibig, kundi sigaw na mula sa puso at tagos patungo sa Diyos. Hindi masamang masabi ang mga ito sa pananalangin. Isa pa nga itong pagpaparanas na kailangan natin ang Diyos at alam nating nakikinig ang Diyos sa mga sigaw ng ating puso. Tahimik man ito, dahil galing sa ating mga puso, panatag tayo na lagi itong patungo sa Diyos.
- Fr. Vicente Gabriel S.J. Bautista