Ebanghelyo: Marcos 1, 29-39
Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Hesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Hesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Hesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may ibat-ibang sakit ang pinagaling ni Hesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpalayas ng mga demonyo.
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Vangie Canag ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Isang araw sa buhay ni Hesus. Ito ang isinalarawan ng ebanghelyong napakinggan natin. Ano ang ginawa ni Hesus sa loob ng isang araw? Nagturo, nagpagaling sa mga maysakit, at nanalangin. Iyon din ang summary ng buong buhay niya: nagpahayag ng kaharian ng Diyos, nagpagaling ng mga maysakit, at nagdasal. Sa katapusan, nag-alay ng buhay upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Ang alaala ng buhay at sakripisyo ni Hesus ay nagdudulot sa atin ng ligaya at pag-asa.
Kamakailan lamang, may isang dating artista na namatay sa edad na 97 years old. Maganda siya at magaling na artista. Kadalasan ang kanyang papel ay kontrabida, kaya may mga taong masama ang tingin sa kanya. Ngunit sa totoo lang, siya ay isang philanthrophist. Itinalaga niya ang kanyang buong buhay sa paglilingkod sa Red Cross, sa pag-rerecruit ng mga blood donors para sa mga may sakit na nangangailangan. Maraming tao ang kanyang natulungan, mga maysakit na napahaba pa ang buhay dahil sa tulong niya. Nang mabasa kong siya’y pumanaw na, nakaramdam ako hindi ng lungkot kundi ng saya ng puso dahil sa magandang buhay niya. Naging biyaya siya sa marami. Gumaya siya kay Hesus nag-alay ng buhay upang mapaligaya ang marami. Tayo rin, mga kapanalig, ay tinatawag na maging biyaya sa ating kapwa sa pamamagitan ng mapagmahal na paglilingkod. Mapapaligaya natin, hindi lang ang ating matutulungan, kundi pati ang makakakita ng ating mabuting gawa, at ang makakaalaala nito kung tayo ay wala na. Gusto mo bang lumigaya? Maglingkod ka nang buong puso. Sa gabi bago matulog, tanungin mo ang iyong sarili: may napaligaya ba ako ngayong araw? Magdasal tayo: Panginoong Hesus, gawin mo akong daluyan ng Iyong makalangit na kaligayahan. Amen.
- Sr. Vangie Canag, fsp | Daughters of St. Paul