Ebanghelyo: MARCOS 1,40-45
Lumapit sa kanya ang isang may ketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
Pagninilay:
Isa sa mga pinaka-palasak na gawain tuwing Bagong Taon ay ang gumawa ng “New Year’s Resolution.” Ika nga sa social media, “New Year, New Me”. Sa tuwing papasok ang isang bagong taon, ramdam pa rin natin ang siglang hatid ng mga panibagong pagkakataon at panibagong pag-asa, lalo na ngayong Taon ng Jubileo ng Pag-asa. Karamihan naman ng mga New Year’s resolutions ay tungkol sa mga konkretong gawain upang mapabuti ang ating mga sarili. Ang mahalaga sa mga ito ay kailangan ng dedikasyon na gawin ang mga ito upang mapaunlad ang ating pamumuhay bilang tao. Kulang ang salita; kailangan may gawa.
Sa tagpo ng Ebanghelyo ngayon, kitang-kita ang determinasyon ni Hesus na ipangaral ang Mabuting Balita. Si Hesus mismo ang Kaharian ng Diyos na nagkatawang-tao kaya naman kaakibat ng kanyang pangangaral ng Salita ay ang mga konkretong tanda ng Kaharian, tulad ng pagpapalayas ng demonyo at pagpapagaling ng ketongin. Hindi naging Diyos-na-malayo si Hesus; sa paglapit ng ketongin, agad-agad siyang nahabag at hinipo ang ketongin. Naging “love language” ni Hesus ang pisikal na pagdampi, patunay na siya nga ang Emanuel, ang Diyos-na-sumasaatin.
Mga kapanalig, hindi kailangang enggrande o “bongga” ang ating pagtupad sa mga pangako natin bilang binyagang Kristiyano. Sa palagian nating pagpiling magmahal sa kapwa––anupamang “love language” ang ating gamitin––ay sumasaksi na tayo sa pagdating ng Kaharian ng Diyos sa atin. Sino kaya ang ketongin na nangangailan ng iyong pagkalinga at pagmamahal ngayon? Nawa’y huwag nating palampasin ang ating tunay na New Year’s resolution––ang ipamalas ang pag-ibig ni Kristo sa ating isip, salita, at gawa.