Ebanghelyo: Marcos 2, 1-12
Pumasok si Hesus sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pituan. At ipinahayag niya ang Salita. May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat. At nang hindi sila makalapit kay Hesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Hesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitiko na nasa higaan. Nang makita ni Hesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” At agad na nalaman ni Hesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat ninyong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon nga ang paralitiko, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Aida Adriano ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Humanga si Hesus sa pananalig ng mga kaibigan ng paralitiko. Bigyan natin ng tuon ang mga katangian ng apat na magkakakaibigan. Nagpakita sila ng pananampalataya na nag-udyok sa kanila upang dalhin ang kanilang paralitikong kaibigan kay Hesus. Samantalang ang kanilang pagkahabag ang nagtulak sa kanilang tumulong sa isang kaibigang nangangailangan. Nagpakita rin sila ng determinasyon upang hindi sumuko sa mga balakid o hirap sa pagbaba ng paralitiko mula sa bubong. Nakakahanga rin ang kanilang pagkakaisa o coordination sa pagbaba sa may sakit at pagsakripisyo ng kanilang lakas at oras. Kaya mahalaga ang tulong at suporta ng pamilya at kaibigan sa mga maysakit.
May kaibigan akong nagkaroon ng rectal cancer. Lahat ng duktor na kinunsulta niya ay nagsabi na dapat alisin ang bukol at pagkatapos, mag-undergo ng radiation at chemotheraphy. Napakaraming nagdasal para sa kanya, ang kanyang pamilya, mga kaibigan, mga pari at madre. Dalawang linggo pagkalipas ng operasyon, lumabas ang resulta ng biopsy at himala na negative ito. Hindi na niya kinailangang mag-radiation at chemotheraphy. Mahalaga ang matibay na pananampalataya sa Panginoon at panalangin. Napalaking bahagi rin ang suporta at dasal ng ating pamilya at mga kaibigan lalung-lalo na sa panahon ng karamdaman. Tunay nga na si Hesus ang “Divine Healer” at walang imposible sa Panginoon kung tayo ay taos-pusong nananalig sa kanyang kabutihan at pagmamahal na walang hanggan.
Panalangin: Panginoon gawin mo akong instrumento upang makatulong sa aking kapwa, lalong-lalo na sa mga maysakit. Sa aking pagkalinga, maramdaman nawa nila ang lawak, haba, taas at lalim ng iyong pagmamahal. Amen.
- Sr. Aida Adriano, fsp | Daughters of St. Paul