Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 17, 2025 – Biyernes Paggunita kay San Antonio, abad

Ebanghelyo: MARCOS 2:1-12

Pumasok si Jesus sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pituan. At ipinahayag niya ang Salita. May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat. At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitiko na nasa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga may kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat ninyong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon nga ang paralitiko, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”

Pagninilay:

Nagbubulung-bulungan ang mga eskriba sa ebanghelyo, sinasabi sa atin “kinukuwestyon nila ang kanilang mga puso”—”Sino siya at nagpapatawad ng mga kasalanan?” Sa isang napakagandang tagpo, may pinagaling, may tuklapan pa ng bubong, may malasakitanan o sa Pilipinas pa nga ay bayanihan. Napalamanan ng mistulang alitan sa pagitan ni Hesus at ilang mga eskriba ang kuwento. “Bakit ba siya nagpapatawad ng mga kasalanan?” Mula sa mga karakter na puno ng pananampalataya, hanggang sa mga karakter, na kahit ang kanilang puso’y kinukuwestiyon dahil sa kulang sila sa pananampalataya.

Marami pong pwedeng sabihin tungkol sa pagpapagaling na ginawa ni Hesus. Pero ngayong araw po mas gusto kong ituon ang ating pagninilay sa ating mga puso, tignan po natin ang ating puso. Suriin natin ang ating mga puso. Yung puso ba natin ay buo pa sa pananampalataya’t pag-ibig sa Diyos? O yung puso ba natin ay hati, dahil sa ating pagkamakasalana’t pagdududa sa grasya’t awa ng Diyos? Idulog natin ang ating mga puso kay Hesus, upang maging buo itong muli—pusong minahal, at kinaawaan, pusong tunay na sumasamba sa Diyos. Amen.