Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 19, 2025 – Linggo Kapistahan ng Panginoong Hesus, Ang Banal na Sanggol (K)

Ebanghelyo: Lucas 2,41-52

Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Hesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Hesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.

Pagninilay:

Bata, bata, nasaan ka na?

Minsan naiisip natin, ang sarap magbalik sa pagkabata o maging bata muli. Walang problema, wala gaanong mabigat na iniisip, walang inaalala. Masaya at malaya. Ito ang madalas nating marinig sa mga nakatatanda na nagtatrabaho o nag-aasikaso ng kanilang pamilya at mga pangangailangan. Sana naging bata na lang ako o sana bumalik ako sa pagkabata.

Sadyang masaya ang buhay-bata. Hindi lamang dahil sa nakapaglalaro sila o nagagawa ang kanilang gusto. Walang inaalala ang buhay-bata sapagkat may mga sumisiguro sa kanilang kaligtasan at kapakanan. Malaya ang buhay-bata sapagkat naroon ang mga taong handang magsakripisyo para sa kanilang mga pangangailangan. Masaya ang buhay ng isang bata sapagkat napaliligiran siya ng pag-ibig ng mga taong nagmamahal sa kanya.

Sa ating pagtanda, sadyang bahagi ang paglago at pagkatuto lalo na sa pagharap sa mga hamon na dala ng ating mga karanasan sa buhay. Minsan sa dami ng pagsubok na haharapin, akala natin nawala na ang ating pagkabata. Pero hindi. Lahat ng kung ano tayo, ang ating saya, pagtitiwala, tapang at lakas ng loob, lahat ito’y nakaugat mula sa malaya at masayang kabataan sa kaibuturan ng ating puso. Oo tumatanda tayo, nagkakaedad, pero hinding-hindi mawawala ang ating pagiging bata.

Sa araw na ito ipinagdiriwang natin ang Banal na Batang Sanggol. Ipinaaala nito na ang Ama ang nangangalaga at tumitiyak ng ating kapakanan, upang mapanatag tayo mula sa mga alalahanin sa buhay. Siya ang nagpadala sa kanyang Bugtong na Anak na nagsakripisyo at nag-alay ng buhay para sa ating kaligtasan upang ganap tayong maging malaya mula sa kasalanan. Higit sa lahat, siya ang Dakilang Pag-ibig na nagbibigay-buhay sa atin upang magpatuloy na harapin ang bawat hamon ng buhay nang may pagtitiwala, katatagan at pag-asa. Tandaan, habang-buhay tayong mga anak ng ating mga magulang. Gayun din, dahil sa ating Panginoong Hesus, lagi tayong magiging mga anak ng Diyos Ama na habang buhay ay naririyan para sa atin.