Ebanghelyo: Marcos 2, 18-22
Nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit kay Hesus at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Tila payak lamang ang tanong tungkol sa pag-aayuno, ngunit may mas malalim ang usapin sa likod nito: Ano ba talaga ang mahalaga sa pananampalataya—ang tradisyon o ang presensya ni Hesus?
Sa panahon ni Hesus, tanda ng pagsisisi at paghihintay sa pagdating ng Mesiyas ang pag-aayuno. Nang dumating na Siya, sinabi Niya: “Hangga’t kasama nila ang lalaking ikinasal, hindi sila mag-aayuno.”
Sa madaling salita: Hindi ka na maghihintay kung dumating na ang hinihintay mo. Ganito rin sa buhay: marami sa atin ang nakatali pa rin sa mga sinaunang pamamaraan—makalumang pag-iisip, sugat ng nakaraan, sinaunang takot—kahit dumating na si Hesus na may bagong pagpapala, bagong pag-asa, at bagong direksyon.
Kaya binanggit Niya ang aral tungkol sa bagong tela at bagong sisidlan. Hindi maaaring ipilit sa sinaunang puso ang mga bagong gawa ng Diyos. Kung nais nating baguhin niya tayo, kailangang handa rin tayong magbago. Hindi puwedeng humihingi tayo ng bagong biyaya pero kapit na kapit pa rin tayo sa mga lumang gawi.
Mahigpit ka ba sa sarili mo at sa ibang tao? “Rigid” or “to the letter” ang tawag ditto. Mas binibigyang halaga ang mga “rules” o panuntunan kaysa sa relasyon sa Diyos at sa ating kapamilya, katrabaho, kapitbahay o sino mang ating nakakasalamuha. May mga bagay bang hinihingi ang Diyos na bitawan mo, pero kumakapit ka pa rin dahil iyon ang nakasanayan?
Mga kapanalig, hindi lang sa pag-iwas sa pagkain ang tunay na pag-aayuno — pagbitaw din ito sa lahat ng pumipigil sa atin upang mapanibago tayo ng Diyos: pride, galit, pagmamarites, pagkukumpara sa iba, insecurity, pagiging controlling o anumang ayaw nating isuko. Sa Mabuting Balita, inaanyayahan tayong maging bagong sisidlan ng Kanyang pagpapala, maging mga bagong alak ng Diyos ng kagalakan, direksyon, kagalingan, at tunay na kalayaan. Hayaan natin si Hesus na ayusin ang ating buhay, may bago Siyang sisimulan… ngayon na.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul