Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 23, 2026 – Biyernes, Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo: Marcos 3, 13-19

Umakyat si Hesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya. At lumapit sila sa kanya. Sa gayon niya hinirang ang labindalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan upang palayasin ang mga demonyo. Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi’y “Sina-Parang-Kulog”; at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Fr. Sebastian Gadia ng Society of St. Paul ang pagninilay. Tambak ba ang mga gawain natin ngayong buwan o kaya sa mga susunod na araw? Paano ba natin ginagawa ang ating mga obligasyon sa buhay? Kaya naman nating gampanan ang ating obligasyon kasi may lakas at talino tayo. Kadalasan, kapag umaasa tayo sa ating lakas at kakayahan, minsan pumapalpak ang ating mga gawain. 

Sa Mabuting Balita ngayon, nakita natin kung paano pinili ni Hesus ang kanyang mga alagad. Bago pinili ni Hesus ang kanyang mga alagad, nananalangin muna siya. Noong panahong iyon, umahon si Hesus sa kabuluran, kasama ang kanyang mga pinili. “Humirang siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol upang maging kasa-kasama niya, suguing mangaral, at bigyan ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.”

Pray, then execute, ito po ang itinuturo sa atin na formula ni Hesus upang magawa natin nang mas epektibo ang ating mga gawain sa buhay. Importante ang panalangin sapagkat ito ang nagiging daluyan ng biyaya ng Diyos upang bigyan tayo ng sapat na lakas.

Patunay dito ang aming founder na si Blessed James Alberione. Bago niya itinatag ang Pauline Family, dumaan muna siya sa mga pagsubok sa buhay. Pero lahat ito ay nakaya niya sa pamamagitan ng panalangin. Kaya naman lagi niyang paalala sa aming miyembro ng Pauline Family: ”You were born of the Eucharist, from there you are to live.” Sa madaling sabi, natatag kami dahil sa panalangin at sa panalangin din kami mamuhay.

Mga kapanalig, tandaan natin na isa si Hudas sa mga pinili ni Hesus na maging apostol pero ipinagkanulo niya siya. Dito natin makikita na hindi sapat na tinawag siya ni Hesus. Nagawa ni Hudas ito dahil ang unang nawala sa kanya ay ang panalangin. Ganun din ang mangyayari sa buhay natin kapag nawala sa atin ang panalangin – palagi tayong mahuhulog sa kasalanan.

  • Fr. Sebastian Gadia, ssp | Society of St. Paul