Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l   Enero 25, 2026 – Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Ebanghelyo: Mateo 4: 12-23

Nang marinig ni Hesus na dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea.  Hindi rin siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng zabulon at Neftali:

Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano.

Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman.  Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.”

At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Hesus ang kanyang mensahe: “Magbagumbuhay; lumapit na mga ang Kaharian ng Langit.”

Pagninilay:

Ipinagdiriwang ng buong Simbahan ngayon ang Linggo ng Salita ng Diyos. Isang alaala ng ating minamahal na Papa Francisco.

Ano nga ba ang karanasan natin kapag pinapahayag o naririnig natin ang Salita ng Diyos? Madami sa atin na magsasabi na sila ay ginaganahan, na-iinspire, o di kaya ay nabubuhayan. Pero tiyak ako na ang bawat pagpapahayag ng Salita ng Diyos ay tulad ng naranasan ng mga taong lumakad sa kadiliman, gaya ng mga taga-Corinto na minsang nalito, at ng mga tao at alagad na sumunod kay Hesus: itinampok sila ng Diyos sa dignidad at kagandahan ng kanilang buhay. Natapos na ang kadiliman, natapos ang pagkakawatak-watak, hindi na simpleng mga tao lamang ang mga alagad, ang mga lugar na nabanggit sa Mabuting Balita, o ang mga taong nakadaupang-palad ni Hesus. Dahil sa presensiya, lakas, at Salita ng Diyos, umangat ang kanilang buhay, naitaas ang kanilang dignidad, naranasan nila ang ibayong pagpapahalaga ng Panginoon sa kanilang buhay.

Mababasa at maririnig ang Salita ng Diyos kahit saan ngayon. Nasa mga print materials, nasa social media, nasa teknolohiya, nasa paligid natin. Huwag lang sana tayong maliwanagan o mabuhayan sa Banal na Salitang ito. Kundi, maramdaman nawa natin kung papaanong inaangat tayo ng Diyos mula sa kahihiyan at kababaan ng buhay. Dahil buhay ang Salita, dahil may kapangyarihan ang Salita, makita nawa natin ang ating sarili at ang buhay ng bawat isa na pinapahalagahan, binibigyan ng dignidad, at patuloy na pinagtitibay ng Diyos at ng kanyang mga Salita.

  • Fr. Vicente Gabriel S.J. Bautista