Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 26, 2026 – Lunes, Paggunita kina San Timoteo at San Tito, mga obispo

Ebanghelyo: Marcos 3, 22-30

May dumating na mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.”

Tinawag sila ni Hesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang satanas ang magpalayas sa Satanas?  Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makakatayo ang kahariang iyon.  At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang samdahayang iyon.  At kung si Satanas ang lumalaban sa kanyang sarili  at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kung malapit na ang wakas niya.  Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at magkakalat sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas.  Saka lamang niya masasaid ang lahat na ari-arian nito.

Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat ng kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos.  Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y hindi siya mapapatawad; kasalanang walang hanggan ang nasa kanya.”  Ang pagsasabi nilang may masamang Espiritu siya ang tinutukoy ni Hesus.

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Pauang pagninilay sa Ebanghelyo. Sa Mabuting Balita ngayon, narinig natin na pinalaya ni Hesus ang mga inaalipin ng demonyo. Pero sa halip na magpasalamat kay Hesus ang mga nakasaksing Eskriba ay sinaraan pa nila siya at pinagbintangang nagpapalayas ng demonyo sa kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo. Kapanalig, ito ang kasalanang walang kapatawaran, the blasphemy against the Holy Spirit. Bakit ba ito hindi mapapatawad? Sabi ng mga bible scholars, wala itong kapatawarandahil sadya at tahasang pagtakwil ito sa Banal na Espiritu. Sa kabila ng grasyang ibinibigay ng Diyos sa tao, nanatiling matigas ang kanilang mga puso laban sa Espiritu ng Diyos na nag-aalok ng kaligtasan. Sabi nga ni San Agustin, “God created us without us but He did not will to save us without us”. Kailangan nating tumugon sa grasya ng Diyos upang makamtan ang handog Niyang kaligtasan. Kahit gaano pa tayo kamahal ng Diyos kung ayaw natin sa Kanya hindi Niya tayo pipilitin. God respects our freedom. Kaya hingin natin ang dasal nina San Timoteo at San Tito, na ginugunita natin ngayon, upang gaya nila manatili rin tayong tapat na lingkod sa ating mga Kristiyanong komunidad. 

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp | Daughters of St. Paul