Ebanghelyo: MARCOS 3,22-30
May dumating na mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.” Tinawag sila ni Hesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makakatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang sambahayang iyon. At kung si Satanas ang lumalabas sa kanyang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at magkakalat sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid ang lahat na ari-arian nito. Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat ng kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y hindi siya mapapatawad; kasalanang walang hanggan ang nasa kanya.” Ang pagsasabi nilang may masamang Espiritu siya ang tinutukoy ni Hesus.
Pagninilay:
Sa dinami-dami ng himalang ginawa ni Jesus, pinalaya sa masamang espiritu, libu-libong pinakain sa iilang pirasong tinapay at isda lamang, patay nang binuhay pa, pagbibigay ng pag-asa at papapahalaga sa mga balo, ulila, mga itinakwil ng lipunan, mga bata at kababaihang hindi kasama sa bilang, mga dukha at makasalanan – lahat dahil sa Kanyang tunay na awa at malasakit; nakaka-inis na nakakatawa ang panghuhusga ng mga tagapagturo ng Kautusan. Si Jesus talaga ang sinasapian ni Beelzebul! Sino ba si Beelzebul kundi ang prinsipe ng kasamaan! Gawain ba ng sinasapian ng masamang espiritu ang mga ginawa ni Jesus? Sino nga ba ang sinasapian, si Jesus o sila?
May mga pagkakataong katulad rin ng mga tagapagturo ng Kautusan ang inaasal natin. Minsan napakabilis nating husgahan ang nakikita nating kabutihang ginagawa ng iba, binibigyang malisya o pinagdududahan ang motibo. Lingid sa ating kamalayan, pinapaikot lang tayo ng masamang espiritu at kinikiliti ang inggit na inihasik sa ating isip. Ang kasunod nito, magmamarites na tayo. Nakaka-enjoy mag-marites! Ngunit huwag nating kalimutang hindi ang Banal na Espiritu ang kumikilos sa pagma-marites. Alam niyo na kung anong klaseng espiritu ang nananahan sa atin kapag hindi mabuti ang ginagawa natin, siempre kasama na ang pagmamarites.
Mga kapanalig, bantayan nating hindi mabahiran ng masamang espiritu ang ating mga kilos, pananalita, desisyon, emosyon, pakikipag-ugnayan at pananaw sa mga bagay-bagay. Ayon sa Unang Sulat ni San Pedro, “Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa (1 Peter 5:8).” Maging mapagmatyag! Patuloy na hilingin sa ating Poong mapagmahal na tulungan tayong iwaksi ang mga kilos ng masamang espiritu. Kay Jesus hindi tayo mabibigo. Siya ang ating tagumpay laban sa kasamaan at kasalanan!