Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 29, 2026 – Huwebes, Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo: Marcos 4, 21-25

Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na di nabubunyag at walang tinatakpan na di malalantad. Makinig ang mga may tainga! Isip-isipin n’yo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit kung wala siya, aagawin sa kanya kahit na ang nasa kanya.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Makaka-relate ka ba kung sasabihin kong may mga nabubuhay na nagtatago ng bahagi ng kanilang sarili — katulad ng lihim, sugat, kasalanan, o katotohanang ayaw nilang harapin at nais nang kalimutan. Malinaw ang sinabi ni Hesus: “Walang natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.” Hindi ito banta kundi isang paanyaya—paanyaya sa liwanag, katapatan, at tunay na pagbabago.

Hindi sinisindihan ang isang ilawan o gasera para itago. Kailangan ang ilaw kapag madilim. Ganyan tayo sa mata ng Diyos. Hindi tayo nilikha upang magtago, magpanggap, o mabuhay sa takot. Nilagay Niya sa ating puso ang Liwanag — konsensya, kabutihan, pananampalataya — para isabuhay, hindi para itago.

Ano ang bahagi ng buhay mo na itinatago mo pa rin? Takot? Kahiya-hiyang nakaraan? Galit? Lihim na kasalanan? Sugat na ayaw mong aminin?

Hindi tayo inilalantad ng Diyos para hiyain, kundi para hilumin. Kapag inilapit natin sa Kanya ang itinatago natin, Kanya tayong hihilumin, pagiginhawahin at palalayain.

Sinabi rin Niya: “Unawain ninyong mabuti ang inyong narinig.”

Opo, mga kapanalig, marami ang nakakarinig sa Mabuting Balita, ngunit kakaunti ang hinahayaan itong tumagos sa puso. Hindi sapat ang makinig — kailangan tanggapin, isabuhay, at hayaang baguhin tayo ng Kanyang Salita.

Paalala pa ni Hesus, “Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.” Paanyayang iwasan ang maging mapanghusga sa iba. Walang sinuman ang may karapatang manghusga, wala tayong maipagmamalaki sapagkat lahat tayo’y kinakaawaan lamang ng Panginoon araw-araw. Maging mapagpatawad, mas madaling mararanasan ang kagaanan ng loob mula sa Diyos sa pagpapatawad. Magpakatotoo. Huwag matakot. Naghihintay ang Panginoon – handang makinig at magpatawad. Ilapit kay Hesus ang anumang bigat na dinadala. Yakapin ang Liwanag ng Mabuting Balita. Hayaang ang katotohanang handog ni Hesus ang magpalaya sa iyo.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul