Ebanghelyo: Juan 1: 29-34
Nakita ni Juan Bautista si Jesus napapalapit sa kanya. Sinabi niya: “Hayan ang Kordero ng Diyos, ang nag-aalis ng kasalanan ng mundo. Ito ang tinutukoy ko nang sabihin kong ‘Nagpauna na sa akin ang lalaking kasunod kong dumating sapagkat bago ako’y siya na.’ Hindi ko nga siya nakilala pero dahil sa kanya kaya ako pumaritong nagbibinyag sa tubig upang mahayag siya sa Israel.” At nagpatotoo si Juan: “Nakita ang Espiritu na bumababa mula sa langit gaya ng isang kalapati, at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya nakilala ngunit ang nagsugo sa akin na magbinyang sa tubig ang nagwika sa akin, ‘Kung kanino mo makita ang Espiritung bumababa at nananatili sa kanya, siya ang magbibigay sa Espiritu Santo!’ Nakita ko at pinatotohanan ko na siya nga ang hinirang ng Diyos.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Lilia Malata ng Daughters of St. Paul ang pagninilay.
Ang bilis nga naman ng panahon! Tayong lahat ay masayang dumalo sa araw ng kapanganakan ng Sanggol na nagdala sa atin ng liwanag at kapayapaan. Harapin naman natin ngayon ang Bagong Taon na nag-aanyaya sa atin sa panibagong-buhay. Sa araw na ito tinatawagan at tinuturuan tayo ni Juan Bautista na maging matatag sa pananampalataya upang makilala natin nang lubusan ang Anak ng Diyos na naparito sa gitna natin – Jesus ang Kabanal-banalang pangalang ibinigay sa kanya.
Sinasabi sa Ebanghelyo sa araw na ito na nang makita ni Juan si Hesus na palapit sa kanya, sinabi niya: “Heto ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Paano niya nabigkas yon? Ang Diyos na nagsugo kay Juan ay nagpahayag ng mga katotohanan tungkol kay Jesus sa kanya. Naganap ito sa binyag ni Hesus nang bumaba ang Espiritu tulad ng isang kalapati mula sa langit at nanatili kay Hesus. Pumasok sa kasaysayan ng tao ang Espiritu ng Diyos sa pagbaba at pananatili kay Jesus. Nagpatotoo si Juan Bautista sa kanyang nakita at inihanda niya ang daan, ang puso at damdamin ng mga tao, upang makilala at tanggapin nila si Hesus.
Kapanalig, iyan din ang ating misyon, ang tungkulin natin sa buhay. Bawat isa sa atin ay tinatawag na isabuhay ang mga aral ni Hesus, at ituro sa kapwa ang daan patungo sa kanya. Tulad ni Juan Bautista, mamuhay nawa tayo sa kabanalan at pag-ibig sa kapwa, at magpatotoo kay Hesus, ang tunay na anak ng Diyos.