Ebanghelyo: Juan 1, 29-34
Nakita ni Juan Bautista si Hesus na papalapit sa kanya. Sinabi niya: “ Hayan ang Kordero ng Diyos, ang nag-aalis ng kasalanan ng mundo. Ito ang tinutukoy ko nang sabihin kong ‘ Nagpauna na sa akin ang lalaking kasunod kong dumating sapagkat ako’y siya na.’ Hindi ko nga siya nakilala pero dahil sa kanya kaya ako pumaritong nagbibinyag sa tubig upang mahayag siya sa Israel.”At nagpatotoo si Juan: “Nakita ang Espiritu na bumababa mula sa langit gaya ng isang kalapati, at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya nakilala ngunit ang nagsugo sa akin na magbinyang sa tubig ang nagwika sa akin. ‘ Kung kanino mo makita ang Espiritung bumababa at nananatili sa kanya, siya ang magbibigay sa Espiritu Santo!’ Nakita ko at pinatotohanan ko na siya nga ang hinirang ng Diyos.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Bro. Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay. Sa ating paglalakbay mula noong Adbiyento hanggang ngayong Kapaskuhan, isa sa mga katangi-tanging tauhang nakasalamuha natin sa liturhiya ay si San Juan Bautista. Nakakamangha siya dahil bago pa man isilang si Hesus ay nakilala na niya Siya at naglulundag sa galak sa sinapupunan ni Sta. Elisabet. Sa lakas ng Espiritu Santo, siya rin ang naghanda ng daan para sa ganap na paglalantad ni Hesus bilang ang pinakahihintay na Mesiyas. Para sa kanyang paninindigan, nauna rin siya kay Hesus na magbuwis ng buhay alang-alang sa katotohanan at katuwiran. Ang tanong: ano kaya ang sikreto sa kadakilaan at kabanalan ni San Juan Bautista?
Sa tagpo ng Mabuting Balita ngayon, direkta at walang pasubali ang pahayag ni San Juan Bautista nang makita niyang papalapit sa kanya si Hesus: “Ito ang Kordero ng Diyos. Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan!” Ang kanyang pangunguna kay Hesus ay bunga lamang ng malaliman at taimtimang pakikipagkilala at pakikipagkaibigan kay Hesus, na siyang tunay na nangunguna na makipagkilala at makipagkaibigan sa atin. Samakatuwid, ang kadakilaan ni San Juan Bautista ay nakasalig hindi dahil may alam siya tungkol kay Hesus, kundi dahil kilala niyang lubos si Hesus––hindi dahil magkamag-anak sila, kundi dahil naging bukás siya sa pagpapakilala ni Hesus ng kanyang sarili sa kanya.
Mga kapanalig, hindi lamang sa wakas ng panahon natin makakadaupang-palad si Hesus. Sa katunayan, araw-araw siyang nagpapakilala sa atin sa iba’t ibang anyo: mga taong nakakasalamuha, mga sitwasyong kinakaharap, at sa iba pang mga mumunting biyaya na marahil ay nakasanayan na natin kaya ‘di na nahahalata. Hilingin natin ang biyaya ng patuloy na pagbabagong-pananaw upang makadaupang-palad natin si Hesus at, tulad ni San Juan Bautista, ay maipahayag Siya bilang ating Tagapagligtas, ngayon at magpakailanman. Amen.
- Fr. Russel Patolot, ssp | Society of St. Paul