Ebanghelyo: MARCOS 4:26-34
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan. Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki ng higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon sa Langit.” Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.
Pagninilay:
May apat na dekada na ang nakalilipas nang regaluhan ako ng isang kaibigan ng punla ng puno ng chico. Itinanim ko ang punla sa aming bakuran, diniligan at inalagaan hanggang sa ito ay lumaki at nagbigay ng marami at matatamis na bunga. Kahit nabali ang mga sanga nito dahil sa isang malakas na bagyo, lumago ulit ito. Patuloy na nagbibigay ng prutas at silong sa amin at sa iba’t ibang klaseng mga ibon. Alam ng mga plantito at plantita na mahabang pasensiya at matiyagang pag-aaruga ang kailangan bago ka umani sa iyong mga pagsisikap.
Gayun din sa ating buhay. Lumalakas ang ating pananampalataya sa bawat tagumpay at krisis. Hindi naiinip ang Diyos sa ating paglago. Unti-unti Niyang pinapayabong ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa upang makapagbigay tayo ng kanlungan at kaginhawaan sa iba. Kaya kailangan nating manalangin, palalimin ang ating pag-unawawa, at ibahagi ang kaharian ng Diyos.
Manalangin tayo. Panginoon ko, nilikha mo kami mula sa wala at araw-araw mong pinagbabago ang aming buhay. Nawa’y gawin mo kaming mga mabubungang puno na nagbabahagi ng Iyong pag-big, kapayapaan at awa sa lahat. Amen.