Ebanghelyo: Mateo 2, 1-12
Pagkapanganak kay Hesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng maga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.”Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag niya kaagad ang buong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas.At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapangkat ito ang isinulat ng Propeta: ‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.’Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.”Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira.At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.
Pagninilay:
Isinulat po ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay. Ang mga pastol kasama ang kanilang mga tupa. ang mga unang bisita ng bagong silang na Sanggol. Di kalaunan, dumating ang ikalawang pangkat ng mga bisita sa katauhan ng mga astronomo o mga pantas. Mula sila sa malayo, sa dakong silangan, Pinag-aaralan nila ang paggalaw ng mga bagay-bagay sa kalawakan, at inuugnay nila ang pagkilos ng mga ito sa takbo ng buhay ng tao sa lupa. Nang isilang ang sanggol na si Hesus, may sumulpot na liwanag sa kalangitan. Kakaiba ang liwanag na nakita nila sapagkat sadyang maningning at malawak ang sakop. Nabuo sa isipan nila kung gaano kahalaga ang araw na yaon na maaring naging saksi sa pagsilang ng isang dakilang tao o hari.
Mahalaga ang kapistahan ng Epifanya dahil kinukumpleto nito ang kuwento ng Pasko. Ang sanggol na Hesus ay nakita hindi lamang ng mga Judio, na kinatawan ng mga pastol, kundi pati ng mga hindi Judio, sa katauhan ng mga Pantas mula sa Silangan. Ang Mesiyas ay para sa lahat ng tao at hindi lamang para sa Israel. Unang nagtanong ang mga Pantas kay Herodes tungkol sa sanggol, ngunit pagkatapos nilang matagpuan si Hesus, tinunton nila ang ibang daan at hindi na bumalik kay Herodes.
Panginoon, muli naming nasilayan at pinagnilayan ang bagong silang na Sanggol at ang kaugnayan niya sa aming buhay. Turuan mo kaming magpahalaga sa bawat buhay na kaloob mo, lalung-lalo na ang mga sanggol na mahihina at walang kalaban-laban. Ilayo mo kami sa karahasan at panggigipit sa kapwa. Sa tapat naming pagtupad sa aming araw-araw na trabaho, nawa’y masumpungan namin ang Panginoong magliligtas sa amin at magtuturo sa aming tahakin ang tuwid at bagong daan ng buhay. Amen.
- Fr. Paul Marquez, ssp | Society of St. Paul