Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 5, 2025 – Linggo | Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon

Ebanghelyo: MATEO 2:1-12

Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan.  Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng mga Judio?  Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.” Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem.  Ipinatawag niya kaagad ang buong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong  sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapagkat ito ang isinulat ng Propeta: ‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.’ Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala.  At saka niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata.  Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.” Umalis sila pagkarinig nila sa hari.  Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol.  Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina.  Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira. At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.

Pagninilay:

Naglakbay ang mga Pantas upang hanapin ang bagong silang na Hari ng mga Hudyo. Malinaw ang kanilang pakay: sambahin ang Sanggol na si Hesus. Isang paalala ito sa atin na ang pananampalataya ay isang paglalakbay, at ang liwanag ng Diyos ang ating gabay. Ipinagdiriwang natin ngayon ang Epipanya, ang pagpapakita ng Diyos sa lahat ng tao. Kumakatawan ang tatlong Pantas sa iba’t ibang bansa at kultura. Nagpapaalala ito sa atin na ang kaligtasan ay para sa lahat. Ang tala na gumabay sa kanila ay simbolo ng liwanag ni Cristo na nagdadala ng pag-asa at pagkakaisa sa buong mundo. Kapansin-pansin din ang kanilang tugon nang matagpuan si Hesus. Sa kabila ng simpleng kapaligiran – isang Sanggol sa sabsaban – ibinigay nila ang kanilang pinakamahalagang handog: ginto, kamangyan, at mira. Sumasalamin ang mga ito sa kanilang pagkilala kay Jesus bilang Hari, Diyos, at Tagapagligtas. Ang tanong sa atin ay: Ano ang maiaalay natin kay Cristo? Tinatawag rin tayong maging talang nagliliwanag at gumagabay upang matagpuan ng iba si Cristo. Nagiging patotoo ba sa liwanag ni Cristo ang buhay natin? Sa ating mga gawain, salita, at pagmamahal, nagiging tanda ba tayo ng pag-asa sa mundong naghahanap ng liwanag? Nawa’y patuloy nating sundan ang tala ni Cristo at maging liwanag para sa iba. Tulad ng mga Pantas, dalhin nawa tayo ng ating pananampalataya sa Kanyang presensya, upang purihin at sambahin siya, ang Hari ng lahat ng bansa.