Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 5, 2026 – Lunes, Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon

Ebanghelyo: Mateo 4, 12-17. 23-25

Nang marinig ni Hesus na dinakip si Juan, Lumayo siya pa-Galilea.  Hindi rin siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali. Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano. Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman.  Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.” At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Hesus ang kanyang mensahe: “Magbagumbuhay; lumapit na nga ang kaharian ng Langit.”Nagsimulang maglibot si Hesus sa buong Galilea.  Nagturo siya sa kanila mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao.Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa kanya.  Kaya dinala sa kanya ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko, at pinagaling niya silang lahat.  Sinundan siya ng maraming taong galing sa Galilea, sa Sampung Lunsod, sa Jerusalem, sa Judea at sa kabilang ibayo ng Jordan.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Fr. JK Maleficiar ng Society of St. Paul ang pagninilay. Pamilyar ba kayo sa kasabihan na, “No retreat, no surrender”? Ibig sabihin nito, kailangan lakas-loob nating harapin ang bawat hamon ng buhay; huwag agad sumusuko. Pero sa Ebanghelyo ngayon, tila hindi ito sinunod ni Hesus. Matapos Niyang mabalitaan ang pagkabilanggo ni Juan Bautista, umiwas Siya at nagpunta sa Galilea. Tama ba ang ginawa ng ating Panginoon?

Oo, tama. Sapagkat ang hindi ito pag-atras na may halong takot o pag-urong-sulong. Ang Kanyang paglayo ay isang matalinong hakbang – isang paghahanda para sa mas malaki at mas malawak na misyon na inilalaan ng Ama. Ganyan din sa buhay natin. May mga sandaling kailangan nating umatras pansamantala – magpahinga, magmuni-muni, manahimik. Hindi ito kabiguan. Hindi ito kawalan ng tapang. At hindi ito pag-iwan sa laban. Ito ay paghuhubog at pag-ayos ng puso. Ito ay paghahanda.

Minsan strategy din ng Diyos ang pag-atras. Ang ginawa ni Hesus ay isang paalala: sa bawat pag-atras natin, hindi tayo nag-iisa. Kasama pa rin natin Siya. Kaya’t ang pag-atras na kasama ang Diyos ay nagiging isang matapang, matalino, at mapagpakum-babang hakbang para mas lalo tayong lumakas, mas luminaw ang pag-iisip, at mas maging handa sa susunod na laban.

Tanungin natin ang ating sarili: Saang bahagi ng buhay ako tinatawag ng Panginoon na mag-step back muna? Sa pagsusuri ng sarili? Sa pag-aayos ng priorities? Sa paghilom ng nasugatang puso? Sa pagwawasto ng mga pagkakamali? O sa tahimik na paglapit sa Diyos upang makita nang mas malinaw ang susunod na hakbang?

Kapanalig, huwag kang matakot. Kung kasama natin si Hesus, ang pag-step back ay isang pag-step forward din. Amen.

Fr. JK Maleficiar, ssp | Society of St. Paul