Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 6, 2025 – Lunes Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon

Ebanghelyo: Matthew 4:12-17, 23-25

Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, Lumayo siya pa-Galilea.  Hindi rin siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali. Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano. Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman.  Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.”      At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagumbuhay; lumapit na nga ang kaharian ng Langit.” Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea.  Nagturo siya sa kanila mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao. Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa kanya.  Kaya dinala sa kanya ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko, at pinagaling niya silang lahat.  Sinundan siya ng maraming taong galing sa Galilea, sa Sampung Lunsod, sa Jerusalem, sa Judea at sa kabilang ibayo ng Jordan.

Pagninilay:

Sobrang inspiring ang Mabuting Balita ngayong unang Lunes ng taon. “Ang mga taong nasa kadiliman ay nakakita ng maningning na ilaw! Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan ay sumikat ang liwanag.” Si Jesus, ang maningning na ilaw, ang sumikat na liwanag, nagsimulang mangaral, magpagaling sa mga maysakit at magpalaya sa mga sinasapian ng masamang espiritu.

Seventy-eight years old na si Mang Rudy, taga-Angono, Rizal. Wala siyang absent sa pagsisimba sa Quiapo every Friday. Thirty-two years old lang siya nung pumanaw ang kanyang misis pagkasilang sa pang-apat nilang anak. Sa construction siya nagtatrabaho noon, at kung saan-saan nadedestino. Hindi niya alam kung paano itataguyod ang kanyang mga anak. Mahigit dalawang taong alak ang binalingan niya upang matakasan ang bigat ng kabiguan.

Pero isang gabi, nagawi si Mang Rudy sa may Quirino Grandstand, kung saan ginaganap ang misa sa Traslacion ng Itim na Nazareno. Ang layo niya sa imahen ng Poong Nazareno ngunit pakiramdam daw niya ay napakalapit niya dito. Ni hindi niya daw nagawang magdasal. Ramdam daw niya ang mahigpit na yakap ni Jesus at walang tigil ang pagtulo ng kanyang luha. Bagong buhay ang handog ng Mahal na Poon kay Mang Rudy. Umuwi siya sa kanyang mga anak na may lakas ng loob. Ito ang simula ng kanyang malalim na ugnayan sa Poong Nazareno. Sa dami ng mga pagsubok na pinagdaanan nilang mag-aama, wala daw silang ibang tinatakbuhan kundi ang Poong Jesus Nazareno lamang. Nagkaroon siya ng permanenteng trabaho. Nakapagtapos ang kanyang mga anak na ngayo’y may maayos na pamumuhay at pamilya na. Bukambibig ni Mang Rudy, “Ni minsan, hindi kami binigo ng Poong Jesus Nazareno.”

Salamat sa handog ng bagong taon at bagong buhay, lakas loob nating haharapin ang mga hamon ng hinaharap kasama si Jesus, ang maningning na Ilaw, ang sumikat na Liwanag!