Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 7, 2025 – Martes Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon | Paggunita kay San Raymundo de Penyafort, pari

Ebanghelyo: MARCOS 6,34-44

Nakita ni Jesus ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila ng matagal. Nang humahapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Paalisin mo sila ng makapunta sila sa mga nayon at bukid sa paligid at makabili ng kani-kanilang makakain.” “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” “At kami pa pala ang bibili ng tinapay – dalawandaang denaryo di ba? At bibigyan namin sila.” “Ilang tinapay mayroon kayo? Sige, tingnan ninyo.” “Lima at may dalawa pang isda.” Kaya iniutos niya sa kanila na paupuin nang grupo-grupo ang makapal na tao sa berdeng damuhan. At naupo silang grupo-grupo, tigiisandaan at tiglilimampu. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ibigay din nila sa mga tao. Gayundin naman, hinati niya ang dalawang isda. At kumain silang lahat at nabusog, at tinipon nila ang mga natirang pira-piraso- labindalawang punong basket mga piraso ng tinapay pati na mga piraso ng isda. Mga limanlibong lalaki ang napakain.

 Pagninilay:

May Bituin pa tayong nakikita. Pasko pa. Bituin na simbolo ng pagpapahayag ng presensya ng ating Panginoon. Isinilang Siya sa sabsaban o food box ng mga nagugutom na hayop. At ngayon, nagpakain Siya sa mga nagugutom na makapal na tao. Ito ang Divine Mission na kumikislap sa lahat . At tayo naman ay tinatawag din sa Divine Calling na ito. Maraming pagkakataon na may lumalapit sa akin at humihiling na sana gumaling sila. Tumatalima ako sa panawagan. Idadampi ko ang aking palad at magdadasal. Mayroon na hindi na kami nagkikita pa at ipinagpapasa Diyos ko na lang ang naganap. May bigla naman akong makakatagpo at sasabihin, “Sister! Ako ‘yung pin-ray over mo. Magaling na ako.” Nakakamanghang makatagpo ang mga taong nagugutom sa paghilom at pinupuspos ng kalinga ng ating Panginoon. Dun din ako napapaluha habang mapagkumbaba kong kinikilala ang kamangha-manghang ginagawa ng ating Divine Healer. May times din na nagpo-prompt ang story sa FB timeline ko o sa Instagram na matagal nang nagsusuffer sa cancer. Paulit-ulit na humihingi ng panalangin. Naisip ko rin na malamang ang hindi paggaling sa pisikal, may mas malalim na karamdaman na kailangang hilumin ng ating Panginoon.

Kailangan nila ng maraming dasal at ng may mag-aassure sa kanila na buhay ang Diyos. Ito ang ilan sa mga halimbawa ng divine calling na tayong lahat may kailangang gawin. Ang presensya natin ang magiging bituin na hangog ng Panginoon. Maraming tumatangis at kailangan ng may tutuyo ng kanilang luha. Hindi lang liman-libo kundi limpu’t limandaang libo. Ikaw, ano’ng klaseng divine calling ang naririnig mo na dapat gawin ngayon?

Podcast:

May mga pagkakataon na may lumalapit sa akin at humihiling na sana gumaling sila. Tumatalima ako sa panawagan. Idadampi ko ang aking palad at magdadasal. Mayroon na hindi na kami nagkikita pa at ipinagpapasa Diyos ko na lang ang naganap. May bigla naman akong makakatagpo at sasabihin, “Sister! Ako ‘yung pin-ray over mo. Magaling na ako.” Dun ako napapaluha habang mapagkumbaba kong kinikilala ang kamangha-manghang ginagawa ng ating Divine Healer. May times din na nagpo-prompt ang story sa FB timeline ko o sa Instagram na matagal nang nagsusuffer sa cancer. Paulit-ulit na humihingi ng panalangin. Naisip ko rin na malamang ang hindi paggaling sa pisikal, may mas malalim na karamdaman na kailangang hilumin ng ating Panginoon.

Kailangan nila ng maraming dasal at ng may mag-aassure sa kanila na buhay ang Diyos. Ito ang ilan sa mga halimbawa ng divine calling na tayong lahat may kailangang gawin. Maraming tumatangis at kailangan ng may tutuyo ng kanilang luha. Ikaw, ano’ng klaseng divine calling ang naririnig mo na dapat gawin ngayon?