Ebanghelyo: Marcos 6, 45-52
Pinilit ni Hesus na sumakay ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkapaalis niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin. Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin. Kaya nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Hesus na naglalakad sa dagat, at waring lalampas sa kanila. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Nang nakasakay na siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya lalo pa silang namangha. Hindi nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi sarado ang kanilang isip.
Pagninilay:
Isinulat ni Fr. Sebastian Gadia ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kung sasakay kayo ng Grab, makikita natin na gumagamit ang driver ng Waze para magsilbing gabay sa ating patutunguhan. Minsan alam na natin ang daan pero minsan iba ang itinuturo sa atin ng Waze. Kung titingnan natin akala natin mali ang tinituro nito pero binibigyan lang pala tayo ng ibang daan papunta sa ating paroroonan. Ganun din sa ating buhay-pananamplataya. Hindi ito straight path – minsan magulo at minsan hindi natin alam kung bakit. Kagaya ng Waze, kahit iba ang daan na ibinibigay sa atin, itinuturo pa rin ang daan papunta sa patutunguhan natin.
Kadalasan napapatanong tayo: ”Bakit kaya nangyayari sa akin ito? Mukhang hindi yata pinapakinggan ng Diyos ang aking mga panalangin? Kagaya ng mga alagad sa ebanghelyo, noong makita nila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig na para bang nakakita sila ng multo. Nanggilalas sila dahil hindi nila naunawaan ang nangyari sa tinapay. Hindi pa ito abot ng kanilang isip.’
Mga kapanalig, kung may mga pinagdaraanan tayo ngayon, kailangan lang natin itong iacknowledge. Pero huwag nating hayaan na maging hadlang ito sa pagsunod sa ating Panginoon. Maaring di pa natin nauunawaan ngayon, pero balang araw makikita rin natin ang dahilan kung bakit kailangan natin pagdaanan ‘yun. Kaya naman panghawakan natin ang sinabi ni Hesus: ”Huwag kayong matakot, Si Hesus ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!”
Mga kapanalig, ang pagkakaroon ng lakas ng loob ay hindi ibig sabihin wala na tayong takot na nararamdaman. Andyan pa rin ang takot, pero kung naniniwala tayo na kasama natin si Hesus, nagkakaroon tayo ng lakas loob. Si Hesus ang magsisilbing Waze natin upang ituro ang tamang daan papunta sa kanya. Mangyayari lamang ito kung nagdarasal tayo sapagkat sa pamamagitan ng panalangin itinuturo sa atin ni Hesus ang daan. Kaya lakad lang tayo nang may pananampalataya kay Hesus.
Fr. Sebastian Gadia, ssp | Society of St. Paul