Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 8, 2025 – Miyerkules Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon

Ebanghelyo: Mc 6:45-52

Pinilit ni Jesus na sumakay ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkapaalis niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin. Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin. Kaya nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat, at waring lalampas sa kanila. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Nang nakasakay na siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya lalo pa silang namangha. Hindi nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi sarado ang kanilang isip.

Pagninilay:

Ang pagsubok, kabiguan at pagdadalamhati ay kaakibat ng buhay. Dumarating ang mga ito gustuhin man natin o hindi. Pero sa mga ganitong pagkakataon, hindi tayo dapat panghinaan ng loob o mawalan ng pag-asa. Alalahanin nating kasama natin ang Diyos sa bawat sandali. Hindi niya tayo pababayaan. Tumawag lamang tayo sa kanya at tutulungan niya tayo sa ating pangangailangan. Sa Mabuting Balita sa araw na ito, narinig natin ang pagkatakot ng mga alagad sa malakas na alon at hangin sa dagat. Bakit? Dahil malayo sila kay Hesus. Nag re-rely sila sa sarili nilang kakayahan na makakarating sila sa kabilang ibayo, kahit sa gitna ng malakas na alon na halos itaob ang kanilang bangka. Sa gitna ng kanilang kahinaan at kawalan ng pag-asa, lumapit sa kanila si Hesus upang sila ay tulungan. At biglang humina ang hangin ang kumalma ang dagat. Hindi ba ganito ang ating nararamdaman sa gitna ng mga pagsubok na dumarating sa buhay natin? Puno ng takot ang ating puso at kalooban. Minsan we try our best to solve our problems by ourselves, pero wala ring nangyayari. Ang totoo, si Hesus lamang ang makakatulong sa atin. Alam niya ang ating mga paghihirap. Tumawag lamang tayo sa Kanya. Lagi siyang lumalakad patungo sa atin upang gabayan tayo sa gitna ng ating takot at pakikibaka.