Ebanghelyo: Lk 4:14-22
Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat. Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ihayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan na ang Kasulatan ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”
Pagninilay:
Kilala ang debosyon sa Nuestro Padre Hesus Nazareno na mula pa sa Mexico noong ikalabimpitong siglo. Paglaon ng panahon ay naging malapit sa puso ng mananampalatayang Pilipino si Hesus na tangan ang Krus, bigat na bigat, at nakaluhod ang isang tuhod, mistulang nadapa sa bigat at pasakit dala ng Krus.
Ayon sa ilang pag-aaral, malapit daw ang puso ng Pilipino sa Jesus Nazareno dahilan sa nakikita nilang buhay na Diyos, Emmanuel, kapiling natin kahit na sa “rock bottom” ng ating buhay. Sa ating pagkadapa, sa ating suliranin, bitbiting alalahanin. Naroon ang Diyos, hindi nga lamang kasama, o kalakbay siya. Talos din niya ang bigat, hirap, sakit, at pagkadapa, ng ating buhay. Kaya naman, ayon din sa ilang pag-aaral, namamanata ang mga deboto sa Quiapo, sa Nazareno, hindi lamang upang humiling, ngunit higit sa lahat— ay magpasalamat—hindi dahil nababawasan, o naiibsan ang mga pasakit, kundi magpasalamat dahil hindi tayo iniiwan ng Diyos sa kawalan, lagi natin siyang kapiling—Ang Nuestro Padre Hesus Nazareno!
Kaisa ho ng buong sambayanan ng Diyos, sana tulad sa nabasa nating ebanghelyo, titigan natin, masdan natin, upang makintal sa ating gunita at puso ang mukha ng Diyos, si Jesus Nazareno—na lubus-lubusang nakikiisa sa atin, kahit na tayo’y makasalanan, upang sa ating pagtanggap sa kanya, maging kabilang tayo sa mga anak ng Diyos na lubos niyang kinakalinga’t minamahal. Dumulog tayo sa kanyang awa’t habag upang malampasan natin ang ating mga suliranin nang may pag-asang nagagalak at nagtitiwala. Amen.