Ebanghelyo: Juan 3:13-17
Sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit— ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.”
Pagninilay:
Isinulat ni Sr. Aida Adriano ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ang pista ng Hesus Nazareno ay isa sa kinikilalang debosyon sa Pilipinas. Dinadagsa ito ng milyon-milyong mga Katoliko na nagpapahayag ng malalim na pananampalataya at pagkakaisa bilang isang komunidad. Ang translacion o transfer of image sa Luneta, ang original location ng imahen ng Poong Nazareno, na dinadala sa Quiapo, ay simbolo ng pasyon at paghihirap ni Hesus. Isang debosyon na nag-uugat sa pananalig ng mga tao na makatatamo sila ng milagrosong kagalingan at iba pang biyaya. Sa aming misyon sa Nueva Ecija ay nakilala namin ang isang deboto ng Poong Nazareno. Siya raw ay pinagaling ng Poong Nazareno sa kanyang sakit na cancer. Kaya taon-taon, hindi siya lumilibang pumunta sa Quiapo para maki-isa sa Pista bilang pasasalamat sa grasya niyang nakamtan.
Ang itim na kulay ng Poong Hesus Nazareno ay representasyon ng paghihirap at walang hanggang pag-ibig ni Hesus sa katauhan. Siya ay palaging kapiling natin sa mga pakikibaka at mga pagsubok sa buhay. Lalung-lalo na sa panahon ngayon na napakaraming problema ang ating bansa. Manalig tayo at magtiwala na nakikiisa sa atin si Hesus at kailan man ay di Niya tayo pababayaan sa lahat ng pinagdadaanan natin sa buhay.
Manalangin tayo: O Poong Hesus Nazareno, patnubayan mo po kami ng Iyong biyaya sa pamamagitan ng Espiritu Santo, upang matupad namin ang utos ng Diyos Ama patungo sa iyong kaharian sa langit. Amen.
- Sr. Aida Adriano, fsp | Daughters of St. Paul