Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 23, 2026 – Huwebes

Ebanghelyo: Mateo 13:10-17

Lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinghaga ka nagsasalita sa kanila?” Sumagot si Hesus: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng Kaharian ng Langit ngunit hindi sa kanila. Sapagkat bibigyan pa ang meron na at sasagana pa siya. Ngunit kung wala siya, aagawin kahit na ang nasa kanya. Kaya nagsasalita ako sa kanila nang patalinghaga sapagkat tumitingin sila pero walang nakikita, nakaririnig sila pero hindi nakikinig o nakauunawa. Sa kanila natutupad ang mga salita ni Propeta Isaias: ‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo nakauunawa; tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo nakakakita. Pinatigas nga ang puso ng mga taong ito. Halos walang naririnig ang kanilang mga tenga at walang nakikita ang kanilang mata. At baka makakita ang kanilang mata at baka makarinig ang kanilang tenga at makaunawa ang kanilang puso upang bumalik sila at pagalingin ko sila.’ Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tenga na nakakarinig. Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita n’yo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”

Pagninilay:

Mapurol ang isip, mahirap makarinig, pikit ang mga mata.

Marami sa ating mga kababayan ang mga die-hard fans ng kanilang mga idol sa politika at sa showbiz man. Kahit ano pa ang gawin ng idol, nananatili silang loyal at todo ang suporta. Minsan, kahit mali na ang ginagawa, binibigyan pa rin ng katwiran at ipinagtatanggol ang kanilang idolo.

Kapanalig, patuloy na nangangaral si Hesus sa ating panahon, pero napakaraming mga tao ang bulag at bingi sa kanyang mga itinuturo. “Tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi nakaririnig ni nakakaunawa.”

Kapanalig, gusto mo bang maging maswerte? Handa ka bang makinig kay Hesus at maging bukas sa pagbabago ng pananaw at bagong buhay na iniaalay niya sa iyo?

Manalangin tayo: Panginoon, buksan mo ang aming mga mata, tainga at isipan sa Mabuting Balitang tunay na nagpapalaya at nagbibigay kapayapaan. Amen.

  • Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul