Ebanghelyo: Mateo 13:36-43
Pinaalis ni Hesus ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Hesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ang mga anghel. Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang Kaharian ang mga iskandalo at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!”
Pagninilay:
Marahil isa sa mga pinakamabigat at pinakamahalagang tanong sa pilospiya at teolohiya, lalo na sa kalagayan ng mundong kinagagalawan natin ay ito – kung ang Diyos ay mabuti at makapangyarihan, bakit niya hinahayaan ang kasamaan na manatili? Hindi lamang ito tanong sa mundo ng mga kaisipan; isa itong katotohanan lalo na para sa mga dumadaan sa matitinding pagsubok, lalo na para sa mga nakaranas ng kawalang-katarungan, matinding karukhaan, malubhang karamdaman, at iba pang uri ng kasamaan. Ngunit ang tugon ng ating pananampalataya sa suliraning ito ay hindi isang band-aid solution kundi isang paghihikayat na manalig sa dunong at habag ng Panginoon.
Sa tagpo ng Mabuting Balita ngayon, marahil hindi rin naunawaan ng mga alagad kung bakit kinakailangang lumago ng masasamang damo kasabay ng mga trigo. Maging ang mga aliping tagapag-ani sa parabula – na simbolo ng mga anghel – ay handa na sanang magbunot ng mga masasamang damo. Ngunit sa awa ng Diyos, minabuti niyang hindi bunutin ang mga ito sa takot na madamay ang mga trigo. Samakatuwid, ang panahong inilalaan upang mamuhay magkasama ay pagkakataong lumalim sa buhay-kabanalan para sa mga trigo at pagpapalawig ng awa ng Diyos upang magbagong-loob ang mga masasamang damo. Sa madaling sabi, kapwa mahal ng Diyos ang mabuting trigo’t masamang damo!
Mga kapanalig, napakadaling hatulan at ikahon ang isa’t isa sa mga kategoryang “mabuti” at “masama,” lalo na kung ang ating batayan ay ang sariling mga puso na nilikhang mabuti ngunit pumipili rin ng masama. Sa tuwing nahaharap tayo sa mga pagkakataong mas madaling hindi magmahal, bumaling tayo kay Hesus na nakapako sa krus upang tulad ng kanyang mga kamay na handang yakapin ang mundo, ay handa rin tayong yakapin nang buong-buo ang ating kapwa, sampu ng kanilang mga kabutiha’t kasamaang nagawa, at hayaang mapanibago tayo ng pag-ibig ng Diyos na dumadaloy sa ating Kristyanong kapatiran.
- CL Russel Patolot, ssp l Society of St. Paul