Ebanghelyo: Mt 13:47-53
Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Naihahambing ang Kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon naman ang mga walang kuwenta. Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.” At itinanong ni Hesus: “Nauunawaan n’yo ba ang lahat ng ito?” “Oo,” ang sagot nila. Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.” Nang matapos ni Hesus ang mga talinghagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.
Pagninilay:
Patuloy na nagtitipon ng mga tao sa Kanyang kaharian ang Diyos. Ito ang paalala ng talinghaga ng lambat sa Mabuting Balita ngayon. Tulad ng lambat na humuhuli ng iba’t ibang uri ng isda, tinatawag ng Diyos ang lahat—mabuti man o makasalanan, mayaman o mahirap, banal o sugatan. Walang itinataboy ang Diyos. Para sa lahat ang paanyaya Niya.
Ngunit may mahalagang katotohanang hindi natin dapat kalimutan: darating ang panahon ng paghihiwalay. Darating ang araw na hindi na mahalaga kung ano ang ipinakita natin sa iba, kundi kung sino talaga tayo sa harap ng Diyos. Hindi sapat na matawag na Kristiyano. Hindi sapat na magsimba lamang o magsabi ng magagandang salita. Ang tanong: Nagbunga ba ang ating pananampalataya sa ating pamumuhay?
Minsan, abala tayo sa paghusga kung sino ang mabuti at sino ang masama. Ngunit hindi tayo ang mangingisda na naghihiwalay ng mga isda. Ang Diyos ang nakakaalam ng tunay na laman ng ating puso. Hindi humatol kundi magbagong-buhay habang may panahon ang ating tungkulin.
Pagkatapos nito, idinugtong ni Hesus ang tungkol sa kayamanang bago at luma. Ang tunay na alagad ay marunong magpahalaga sa mga biyaya ng nakaraan habang bukas sa mga bagong paraan ng pagkilos ng Diyos. Marami sa atin ang nakakapit lamang sa nakasanayan o kaya naman, itinatapon ang mahahalagang aral ng nakaraan. Nasa kakayahang pagsamahin ang dalawa ang karunungan.
Mga kapanalig, hinahamon tayo ng Mabuting Balita ngayon: Anong uri ng isda ako sa lambat ng Diyos? At anong mga kayamanan ng pananampalataya ang dala ko sa aking buhay?
Habang may oras pa, piliin nating mamuhay nang may kabutihan, katapatan, at pag-ibig. Opo, darating ang araw na hindi ang ating tagumpay sa mundo ang mahalaga, kundi ang ating katapatan sa Panginoon.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul