Ebanghelyo: Mateo 9,9-13
Sa paglalakad ni Hesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan s’ya. At habang nasa hapag si Hesus sa bahay ni Mateo, maraming taga-singil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Hesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maninigil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Hesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit! Sige, matutunan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay:
Nagpunta si Jesus sa piging sa bahay ni Mateo. Mga kilalang makasalanan ang mga panauhin at ang saya-saya nila. Bakit? Dahil ang Rabbi ng Nazareth ay kasama nilang kumakain, tinatrato silang mga kaibigan at hindi mga latak ng lipunan. Kaya, naiskandalo ang ilang mga Hudyo. Ayon sa kanila, hindi dapat makisalamuha ang mga kagalang-galang na tao sa mga makasalanan dahil mahahawa sila. Pero may sinabing bago ngayon si Jesus. Sinabi ni Jesus na ang kaharian ng langit ay tulad ng piging ng Diyos kung saan inaanyayahan ang lahat. Hindi lamang naghihintay ang Diyos sa mga kusang dumalo. Inutusan rin niya ang kanyang mga lingkod na hanapin ang mga inanyayahang hindi dumating. Kaya nga sabi ni Jesus, naparito siya hindi para sa mga “banal” kundi para sa mga makasalanan.
Ano ang pangunahing menu sa piging ng Diyos? Kaligtasan! Nakamit ito ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, kamatayan at muling pagkabuhay. Sa kanyang pag-upo kasama ng mga makasalanan sa bahay ni Mateo, ipinakita ni Jesus ang mukha ng mahabaging Ama. Tinatawag Niya sa Kanyang makasalanang mga anak at nagbibigay siya ng kagalakan at kaligtasan. Hindi lang ‘yan. Tinawag Niya ang isa sa kanila, si Mateo, na maging isang apostol – upang maging saksi ng Kanyang pagma-mahal at awa. Kapanalig, tanungin natin ang ating sarili: nasaan ako sa piging ng Diyos? Nakaupo ba ako sa hapag ng nagsisising makasalanan, nagpapasalamat sa pagkaligtas sa awa ng Diyos, gumagawa ng mabuti nang may mapagpakumbaba at mahabaging puso? O nasa labas ba ako? Okay lang naman kahit hindi magsisi. Sobrang abala upang maging mayaman, makapangyarihan at sikat?
Kapanalig, patuloy na tumatawag ang Diyos sa piging. Gayunpaman, mayroong timetable. Maya-maya lang ay isasara na ang entrance door. Gentle reminder lang po.
Manalangin tayo: Ama, nais naming makiisa sa Iyong piging at mag-imbita ng maraming tao. Bigyan nawa kami ng Iyong Banal na Espiritu ng nagsisising puso upang dalisayin kami at magtiwala sa iyong awa. Amen.
Sr. Evangelina Canag, fsp l Daughters of St. Paul