Ebanghelyo: Mateo 9:36—10-8
Nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinanoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng manggagawa sa kanyang ani.” Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hanapin n’yo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad.”
Pagninilay:
Nagdalang-habag si Hesus sa madla. Nakita niya na pagod at lupaypay sila. Bukod dito, mukhang nalilito sila at walang tiyak na direksyon na patutunguhan. Taglay ni Hesus ang puso ng isang Mabuting Pastol at nang pagmasdan niya ang mga tao, mistula silang mga tupang walang pastol. Puno ng panganib at sadyang kalunos-lunos para sa mga tupa ang mawalan ng pastol na tagapangalaga at tagapagsanggalang. Ang pastol ang magdadala sa kawan sa dakong madamo at payapang batisan para sa kanilang pagkain at inumin. Ang pastol din ang naghahanap ng punongkahoy na may malalabay na sanga at malalapad na dahon para makapahinga sa lilim ng puno ang mga tupa. Kailangan din nila ng proteksyon laban sa mga kawatang magnanakaw at mga mababangis na hayop.
Ang unang solusyon na nakita ni Hesus sa panlulupaypay ng mga madla ay gawin silang aktibong kabahagi sa gawain ng Diyos. Sinabi niya sa kanila na sagana ang aanihin. Sa pamumuno ng mga mabuting pastol, maraming magagandang bagay ang maaring mangyari na pakikinabangan ng madla. Inudyukan sila ni Hesus na magtiwala sa kapangyarihan ng taimtim na pananalangin. Hindi panibagong organisasyon o bagong stratehiya ang ipinanukala ni Hesus. Para sa kanya, hindi pa rin matatawaran ang kapangyarihan ng taimtim na pananalangin. Para matupad ang magandang plano ng Diyos para sa tao, kailangan manalangin at humingi ng mga manggagawa para sa aanihin.
Tinawag ni Hesus ang Labindalawa at hinirang sila para humayo at ipamansag ang Magandang Balita ng kaligtasan. Lumikha si Hesus ng bagong sangtinakpan sa pamumuno ng labindalawang apostoles. Kung paanong labindalawa ang mga tribo sa Lumang Tipan, ngayon nama’y labindalawa rin ang bilang ng mga apostol. Taglay nila ang Espiritu Santo at magdudulot sila ng paghihilom sa mga maysakit at bagong pag-asa sa mga taong alipin ng masasamang espiritu.
Panginoon, hangad po ninyo ang aming pagbabago at patuloy na paglago sa buhay ng kabanalan. Makita po nawa namin ang aming sarili na kabahagi sa patuloy mong ginagawang paghihilom at pagpapanibago ng daigdig. Amen.
- Fr. Paul Marquez, ssp l Society of St. Paul