Ebanghelyo: Jn 16:29-33
Sinabi ng mga alagad kay Jesus: “Talaga, tahasan ka nang nangungusap ngayon, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya kami naniniwala na sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t parating ang oras at sumapit na upang mangalat kayo—ang bawat isa sa kanya-kanyang sarili—at ako naman ay iiwan n’yong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Nagdadalamhati kayo sa mundo subalit lakasan n’yo ang loob, nagtagumpay ako sa mundo.”
Pagninilay:
Bukas po ay magbababang-luksa na kami. Isang taon na ang nakalipas mula nang pumanaw si Mamang. Nabisita namin siya isang araw bago siya mamatay – at siya pa ang umalalay sa akin sa pagtayo kasi sumakit ang likod ko sa paglinis ng kuwarto niya. Wala akong kamalay-malay na ‘yun na ang huling pagsasama namin. Hanggang sa huli, kaming mga anak niya ang inaalala at inasikaso ng Mamang. Ganun talaga siguro ang nagmamahal, ano?
Sa Mabuting Balita natin ngayon, hindi ba, ganito rin ang ginawa ni Hesus? Alam niya na ipagkakanulo at iiwanan siyang mag-isa ng kanyang mga alagad. Pero bago pa mangyari ito, ipinaalam niya sa kanila na hindi siya nag-iisa dahil kasama niyang lagi ang Ama. Kilala niya ang mga alagad, at alam niyang manghihina ang kanilang loob sa harap ng pag-uusig. Tahasan niyang sinabi na “Magdadalamhati kayo sa mundo, pero lakasan ninyo ang loob ninyo. Nagtagumpay ako sa mundo.”
Minsan, nagi-guilty tayo at nagtatanong, kasi alam naman natin ang ating kahinaan at pagkukulang: “Ano pa ba ang dapat ko sanang ginawa? Nagmahal ba ako ng lubos?” O kaya naman, “Bakit ko kasi ginawa iyon? Mapapatawad pa kaya ako ng Diyos? Ang sama-sama ko na eh!”
Itinuturo ng Mabuting Balita ngayon na bago pa tayo magkasala, pinatawad na tayo ni Hesus. Inialay na niya ang buhay niya para sa ating kaligtasan. Nakasaad sa talata tat-lumpu’t tatlo: “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapaya-paan.”
Opo, kapatid/kapanalig, gaano man kalaki ng ating kasalanan, pinapatawad na ito ng mahabaging Diyos. Huwag tayong magpalinlang sa masama at hayaang ilayo tayo sa Panginoon. Lakasan natin ang ating loob at mapagkumbabang lumapit sa kanyang dakilang pusong punumpuno ng malasakit sa atin. Nagtagumpay na siya sa mundo. Kumapit tayo sa Panginoon at buong pagmamahal nating alalayan ang kapwang nagigipit at nanghihina papalapit sa kanya. Amen.