Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 2, 2026 – Martes

Ebanghelyo: Marcos 12:13-17

Gustong hulihin ng mga Judio si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Priseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napapadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagaya n ng tao kundi tunay na tinuturo ang daan ng Diyos . Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?”

          Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit n’yo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?”  “Ang Cesar.”  “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Lubha silang namnagha sa kanya.

Pagninilay:

Tila baga naiipit si Hesus sa pagitan ng dalawang nag-uumpugang malalaking bato. Ang grupo ng mga Pariseo ay mga makabayan na suklam na suklam sa pananakop ng Imperyo ng Roma. Kung aayon si Hesus sa pagbabayad ng buwis, parang kinatigan niya ang Roma at tiyak na masusuklam sa kanya ang mga Pariseo. Sa kabilang banda, kung sasabihin naman ni Hesus na itigil ang pagbabayad ng buwis, lalabas na kinakalaban niya ang batas ng Roma at maaari siyang isuplong ng mga tauhan ni Herodes. Hindi lingid kay Hesus na iniharap sa kanya ang isyung ito para bantayan siya sa kanyang isasagot nang sa gayo’y may maaaring iparatang laban sa kanya. Ang totoong pakay nila ay siluin si Hesus, hulihin kumbaga sa isda sa sariling bibig nito. Ngunit hindi maaaring mapaglalangan si Hesus. Alam niya ang laman ng kanilang mga puso at bagama’t puno iyon ng kabuktutan, matiyaga pa rin siyang nakipag-usap sa kanila. Hindi niya tinalikuran ang mga taong sumubok bilugin ang kanyang ulo. Punung-puno sila ng pagkukunwari at papuri kay Hesus. Nagpasya na lamang si Hesus na gamitin ang pagkakataong iyon para maghayag ng katotohanan.

Ang salaping gamit pambayad sa buwis ang ginamit ni Hesus para turuan sila ng mahalagang aral. Ibigay sa Cesar, sa kumakatawang pinuno ng Imperyo, ang kaukulang para sa kanya. Ang buwis ang gagamitin sa pagpapatuloy ng mga proyektong magtataguyod sa kapakanan ng mga mamamayan katulad ng matitibay na lansangan, epektibong paghahatid ng mga liham at pagpapanatili ng kapayapaan. Ngunit idinugtong ni Hesus na kailangan din ipagkaloob sa Diyos ang para sa kanya. At sa usapang tapat, batid natin na lahat ng nasa balat ng lupa, itaas ng langit at pusod ng dagat – lahat ng ito ay mula sa Diyos. Kaya’t lahat ng nangyayari sa ating buhay, kasama dito ang pamahalaan ng mga bansa, ay kailangang nasa pamamatnubay ng Espiritu ng Diyos.

Panginoon, ipanalangin nawa namin ang aming mga pinuno sa pamahalaan upang tapat silang maglingkod alang-alang sa ikabubuti ng mga mamamayan. Pakinggan at bigyang tinig nawa nila ang mga ordinaryong Pilipino lalo na yaong mga kapus-palad at mga mahihina. Amen.

  • Fr. Paul Marquez, ssp l society of St. Paul