Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 28, 2026 – Linggo

Ebanghelyo: Mt 10:37-42

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang  anak kaysa akin. At hindi karapat-dapat sa akin ang sinumang hindi nagpapasan sa kanyayang krus at sumusunod sa akin. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagpapahalaga nito, at matatagpuan naman ito ng nawawalan ng kanyang sarili.

          Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumatanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya anng gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hndi siya mananatiling walang gantimpala.

Pagninilay:

Sinabi ni Hesus sa ating Ebanghelyo: “Ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.” Kakaiba ang salita ni Hesus, sapagkat sa isip ng mundo, kapag nawalan ka, talo ka. Ngunit sa pananampalataya, may mga bagay na kailangang bitawan upang may mas mahalagang bagay na dumating. Kapag tayo ay tunay na nagmamahal, hindi maiiwasan ang magsakripisyo. Binibitiwan natin ang ating kaginhawaan, pride, oras, at sariling kagustuhan alang-alang sa iba. Masakit magmahal dahil may kasama itong pagtitiis. Ngunit sa bawat sakripisyong iniaalay natin dahil sa pag-ibig, mas lalo tayong nagiging katulad ni Hesus.

Habang tila nawawalan tayo, mas lalo naman nating natatagpuan ang Panginoon. Sapagkat ang tunay na buhay ay hindi matatagpuan sa pagkapit sa sarili kundi sa pag-aalay ng sarili. Ang bawat pagtitiis para sa pamilya, bawat pagpapatawad kahit masakit, at bawat pananatiling tapat kahit mahirap ay may banal na kahulugan sa mata ng Diyos. Habang mas marami tayong isinasakripisyo sa ngalan ng pag-ibig, mas lalo nating nauunawaang nasa tapat na pag-ibig ang tunay na kapangyarihan ng Diyos.

Manalangin tayo. Panginoon, turuan Mo kaming magmahal nang may sakripisyo at katapatan. Kapag kami ay napapagod at nasasaktan, ipaalala Mo sa amin na hindi nasasayang ang bawat pag-aalay na ginagawa dahil sa pag-ibig. Nawa’y matagpuan ka namin sa bawat pagtitiis at sa bawat araw ng aming buhay. Amen.